DAHIL sa maraming pangyayaring umagaw sa ating atensiyon sa nakalipas na mga araw, bahagya na nating napansin ang mga pagbabago na nagsisimula nang magsulputan sa mga lansangan at liwasan sa ating mga bayan at siyudad. Kumukutitap na ang naggagandahang ilaw sa business district ng Makati, at nasindihan na rin ang tradisyunal na higanteng Christmas tree ng Quezon City sa Cubao. Nagbukas na rin ngayong weekend and animated display sa Greenhills, San Juan. Naghilera na rin ang naggagandahang parol na nagbibigay-liwanag ngayon sa mga lansangan ng Maynila. Sa Cebu City, mistulang nakatunghay ang malaking Christmas tree sa isang carousel.
Nasa kalagitnaan pa lang tayo ng Nobyembre at may anim na linggo pa ang lilipas bago sumapit ang Pasko, ngunit hindi papipigil ang mga Pilipino sa pagdiriwang ng okasyon. Sa katunayan, unang araw pa lang ng Setyembre ay nagsimula nang pumailanlang ang mga kantang Pamasko sa mga istasyon ng radyo.
Kabi-kabila ang mga pangyayaring bumubulaga sa ating bansa at maging sa iba’t ibang panig ng mundo sa ngayon kaya naman bahagya na nating napapansin na narito na nga ang pinagpalang okasyon. Nasa kalagitnaan tayo ng pagsisiyasat sa pagkamatay ng isang alkalde, na hinihinalang sangkot sa ilegal na droga, na pinagbabaril sa loob ng piitan sa Leyte.
Katatapos lang ibaba ng Korte Suprema ang desisyon nito na nagpapahintulot na maihimlay si dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani, na nagbunsod ng kabi-kabilang kilos-protesta mula sa mga biktima ng batas militar.
Sa ibayong dagat, nagdulot ng matinding pangamba sa atin ang hindi inaasahang pagkakahalal ni United States President-elect Donald Trump dahil sa posibleng maging epekto nito sa patuloy na sumisiglang industriya ng outsourcing at sa remittances ng ating mga overseas Filipino worker sa Amerika. Maaaring hindi tayo masyadong nababahala sa karahasan sa Gitnang Silangan, ngunit nakare-relate tayo sa mga biktima nito, lalo na ngayong panahon na dapat ay kapayapaan ang ipinagdiriwang.
Hindi pa natin natatanaw ang katapusan ng lahat ng karahasan, takot at pagkamuhi rito at sa iba pang mga bansa, ngunit umaasam tayo ng pag-asa dahil sa mga senyales ng Pasko na nasa paligid na natin ngayon. Sa Linggo, Nobyembre 27, ay ang unang pagsisindi sa mga kandila ng Adbiyento sa mga simbahan sa bansa. Ang unang kandila ay para sa pag-asa, pag-asam ng mabuti at pananampalataya na inaasahang ihahatid ng okasyon, kasama na ang kapayapaan para sa mga problemado at sa mga bansang nababalot ng kaguluhan. Hindi kalaunan matapos ito, sa Disyembre 16, ay magsisimula na ang tradisyunal na Simbang Gabi.
Nagsimula nang magsabog ng aliw at liwanag ang mga pailaw, parol, higanteng Christmas tree at belen sa mga lansangan at liwasan. Bahagi ang mga ito ng tradisyong Pilipino tuwing Pasko na, sa kabila ng mga suliraning gumigiyagis sa atin sa ngayon, ay nagbibigay ng pag-asa sa ating mga Pilipino, nagbibigay sa atin ng kahandaan upang harapin ang ating mga problema nang buo ang pagtitiwala para sa hinaharap.