Plano ng Philippine Coast Guard (PCG) na eskortan ang mga dayuhang barko na dadaan sa Sibago Island sa Lamitan, Basilan.

Ito ay matapos na harangin nitong Biyernes ng nasa 10 armadong lalaki ang barkong Vietnamese na M/V Royal 16 at tangayin ang anim na sakay nito, habang binaril naman at nasugatan ang isang tripulante.

Sinabi ni Commander Jerome Cayabyab, officer-in-charge ng Coast Guard Station (CGS)-Zamboanga, na ito ang unang insidente ng seajacking sa lugar.

“Nagko-conduct pa rin kami ng thorough investigation (kung) bakit nangyari ‘yung ganito,” ani Cayabyab.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Aniya, plano nilang obligahin ang mga barkong dadaan sa nabanggit na lugar na magpa-escort sa mga sea marshal na maaaring magmula sa PCG Special Operations Group o sa Philippine Navy.

Ayon kay Cayabyab, aabisuhan nila ang mga mandaragat tungkol sa mga lugar na delikadong daanan. Gayunman, kailangang maingat na berripikahin ang peligro sa tutukuying lugar bago ito ipaalam sa mga shipping lines.

Pinayuhan din niya ang mga naglalayag na laging maging alerto habang nagbibiyahe at makipag-ugnayan sa PCG o sa iba pang law enforcement agency sakaling may makita silang kahina-hinala sa dagat, upang maiwasang maulit ang mga kaparehong insidente. (Argyll Cyrus B. Geducos)