Ibinunyag ng isang anti-toxic watch group na ilang cosmetic products na hindi rehistrado, ngunit may nakalagay na logo ng Food and Drugs Administration (FDA) ang ipinagbibili ngayon sa ilang tindahan sa Divisoria.

Ito ang natuklasan ng grupong EcoWaste Coalition matapos na matisod ang mga naturang hindi rehistradong produkto habang nag-iikot sa Divisoria.

Ayon sa EcoWaste Coalition, niloloko ng mga manufacturer at distributor ng mga naturang produkto ang publiko para palabasin na dumaan ang mga ito sa pagsusuri ng FDA.

“The FDA logo on the packaging gives the impression that the items have passed through the required cosmetic product notification scheme. Impulsive buyers would think these products are safe to use. It’s totally misleading as these products are marketed without authorization from the FDA,” paliwanag ni Thony Dizon, coordinator Project Protect ng EcoWaste Coalition. “The deceitful use of the FDA logo should not sway consumers from buying these potentially harmful products,” dagdag pa nito.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Nabatid na kabilang sa mga naturang produkto ang face powder na mabibili sa Stall 1E-22 at the Divisoria Mall sa Manila: A&W Silky Pressed Powder (P22 each), A&W Two-Way Cake (P22 each) at A&W Wet & Dry Application Powder (P30 each) na posibleng may panganib na epekto sa kalusugan partikular na sa kababaihan.

Ang mga naturang produkto ay pawang “made in China” at walang nakalagay na impormasyon hinggil sa ingredients, manufacturer, importer o distributor nito.

Ibinunyag pa ni Dizon na maaari itong makasama sa kalusugan dahil nagtataglay ito ng mataas na antas ng arsenic, cadium, lead at mercury.

Bukod naman sa mga naturang face powders, wala rin umanong awtorisasyon na maibenta sa merkado ang ilang lipsticks at skin whitening products na ibinibenta rin sa bangketa sa Divisoria.

Ayon sa grupo, base sa FDA Memorandum Circular 2013-030, ipinagbabawal ang paggamit ng FDA logo, “Food and Drug Administration” o “Philippine FDA,” at initials “FDA,” o anumang imitasyon ng logo sa mga produkto.

Inalerto na rin ng EWC ang FDA kaugnay sa paggamit ng logo ng FDA ang A&W products sa pamamagitan ng Center for Cosmetic Regulation and Research. (Mary Ann Santiago)