Para kay Education Secretary Leonor Briones, ang isyu kung dapat ikunsiderang bayani o hindi si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos ay dapat na ipaubaya sa mga mag-aaral.
Ang magiging papel naman ng Department of Education (DepEd) ay bigyan ng impormasyon ang mga mag-aaral at hayaan silang mag-isip nang mahusay hinggil sa isyu. Maisasakatuparan ito sa pamamagitan ng textbooks at class discussions.
Matapos ang Supreme Court (SC) ruling na nagbibigay ng go-signal para maihimlay sa Libingan ng mga Bayani (LNMB) si Marcos, sinabi ni Briones na sinimulan din nilang i-review ang mga aklat para tiyaking patas ang maibibigay na impormasyon hinggil sa kasaysayan ng martial law.
“It’s not like the book will tell you he’s a hero or he’s not a hero,” ayon kay Briones. Isinusulong din umano ng DepEd ang critical thinking sa hanay ng mga estudyante.
“The student decides for himself… give them facts – the positive things and the human rights issue – so that the child, the learner can make a judgment for himself or herself,” dagdag pa ni Briones.
NHCP hihirit pa
Samantala sa kabila ng desisyon ng SC sa libing ni Marcos, hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP), na mahaharang nila ito.
Nabatid na nagpadala ng dalawang pahinang liham si NHCP Chairperson Maria Serena Diokno kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte, kung saan iginiit nito na batay sa isinagawa nilang masusing pag-aaral ay napatunayang pineke lamang ni Marcos ang kanyang mga credentials bilang isang sundalo tulad ng kanyang mga medalya mula sa Estados Unidos, na pawang kuwestiyonable umano.
Ipinunto ni Diokno na nagsinungaling si Marcos sa kanyang ranggo at hindi rin kinikilala ng Estados Unidos ang guerilla unit na itinayo umano ng dating pangulo—ang ‘Ang mga Maharlika.’
“His leadership of the unit was also doubted at official levels and his practice of double listing his name on different guerilla rosters was called a ‘malicious criminal act,’” nakasaad sa liham.
Ilan pa anila sa kuwestiyonableng aksyon ng dating pangulo ay ang utos nito sa Alias Intelligence Unit na inilarawan bilang ‘usurpation,’ pag-commission ng mga officers ng walang awtoridad, pag-abandona sa USAFIP-NL upang magtayo ng airfield para kay Gen. Manuel Roxas, at illegal na koleksyon ng pera para sa airfield.
Sinabi pa ni Diokno na babalewalain ng paglilibing kay Marcos ang pagsisikap ng pamahalaan na mabigyan ng kompensasyon ang lahat ng biktima ng martial law.
Binigyang-diin ni Diokno na kung ang talagang nais, aniya, ng pangulo ay “healing” o paghihilom para sa Pilipinas ay dapat na ipatigil nito ang libing ng dating pangulo sa LNMB.
Apela sa Gabinete
Umapela rin ang Sangguniang Laiko ng Pilipinas sa Gabinete na kumbinsihin si Pangulong Duterte at baguhin ang isip ng huli.
“We appeal on our Cabinet members to act on our country’s behalf in influencing the heart and mind of our President on this very important matter,” ayon sa statement ng grupo.
Sinabi pa ng grupo na kapag pinayagan si Marcos na malibing sa LNMB, napakalaking insulto ito sa mga naging biktima ng karahasan.
“Burying him at the Heroes’ Cemetery is a mocking act that will send a strong distorted message to our young people that in this country, dictators, plunderers and executioners are being rewarded,” ayon pa sa statement.
2 batalyong pulis sa libing
Habang mainit pa ang debate sa SC ruling, tiniyak naman ng Philippine National Police(PNP) na dalawang batalyong pulis ang ikakalat sa Libingan ng mga Bayani (LNMB) sa araw mismo ng libing ng dating strongman.
Sinabi ni NCRPO Director, Chief Supt. Oscar Albayalde, katumbas ng 1,000 pulis ang ikakalat sa LNMB.
Ang 600 pulis ay manggagaling sa Metro Manila habang ang 400 ay manggagaling sa Region 3 at Region 4-A.
Inaasahan ng PNP ang mga demonstrasyon at kilos-protesta sa araw ng libing kaya mas mahigpit na seguridad ang kanilang ipatutupad. (MERLINA HERNANDO-MALIPOT, Mary Ann Santiago, Leslie Ann G. Aquino at Fer Taboy)