Naalarma na ang pamunuan ng Quezon City Police District (QCPD) dahil sa sunud-sunod na pagkamatay ng limang preso sa loob ng kulungan sa police station, dulot na rin ang pagdagsa ng mga arestadong sangkot sa ipinagbabawal na droga.

Ayon kay QCPD Director P/Chief Supt. Guilor Lorenzo T. Eleazar, iniulat na apat na bilanggo ng Batasan Police station 6 ang namatay dahil umano sa sobrang sikip ng kanilang selda habang ang panglima ay sa Talipapa Police Station 3.

Napag-alaman na ang panlimang namatay na inmate sa Batasan Police Station 6 ay kumpirmadong may sakit na TB at ang apat ay pawang nahirapan sa paghinga.

Sa report ng QCPD, nabatid na ngayong buwan ng Nobyembre, apat na ang namamatay sa PS-6 dahil sa komplikasyon at hirap sa paghinga dahil na rin sa pagdami ng preso na may kaso hinggil sa ilegal na droga na naging sanhi ng mainit at labis na pagsisikip sa loob ng selda.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Base sa ulat, unang nasawing preso si Michael Montano, noong Nobyembre 5; Benedict Amore Y Hanson, namatay noong Nobyembre 7; Zaldy Ferrer, Nobyembre 9; at Jerson Dimaano noong Nobyembre 10. Bukod pa sa hindi na pinangalanang namatay dahil sa TB.

Nababahala din ang QCPD dahil sa dami ng mga may pigsa at bungang araw na mga bilanggo kung kaya’t minabuti ng QCPD na dalhin ang 165 na preso ng PS-6 sa Kampo Karingal Covered Court upang lumuwag ang selda ng nasabing presinto.

Inatasan naman ni Eleazar si Dra. Ophelia R. Mangrobang , ang District Health Service Officer ng QCPD na magsagawa ng sanitary inspection sa mga selda. (Jun Fabon)