Ipinag-utos ng Commission on Elections (Comelec) ang pansamantalang pagsuspinde sa voters’ registration sa mga lugar na sinalanta ng bagyong ‘Lawin’ sa Luzon.
Batay sa Comelec Minute Resolution 16-0720, nabatid na sa halip na nagsimula nitong Nobyembre 7 ang registration sa mga lugar na sinalanta ng Lawin, ipinagpaliban na lang ito sa Lunes, Nobyembre 14.
Nabatid na sakop ng naturang resolusyon ang Abra, Apayao, Benguet, Ifugao, Mountain Province, Kalinga, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Pangasinan, Cagayan at Isabela, na pawang sinalanta ng bagyo, at tinatayang aabot sa P2 bilyon ang kabuuang halaga ng mga napinsalang pananim at imprastruktura.
Ayon sa Comelec, maglalaan ito ng P135,853.60 para sa pagpapakalat ng 100 generator set at pagbili ng gasolina para sa 109 na field office na wala pa ring kuryente at may mga depektibong voter registration machine (VRM) at voter registration system (VRS).
Sinimulan nitong Nobyembre 7 ang voters’ registration sa bansa para sa 2017 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), at tatagal ito hanggang sa Abril 29, 2017. (Mary Ann Santiago)