NAGDESISYON na ang Korte Suprema nitong Martes sa usaping legal kaugnay ng paglilibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani sa Fort Bonifacio sa Taguig City.
“There is no clear constitutional or legal basis to hold that there was grave abuse of discretion amounting to lack or excess of jurisdiction which would justify the Court to interpose its authority to check and override an act entrusted to another branch,” sinambit ni SC Spokesman Theodore O. Te ang nakasaad sa desisyon ng korte. Tumalima lamang si Pangulong Duterte sa batas nang ipag-utos niya ang paghihimlay sa labi ni Pangulong Marcos sa Libingan, ayon sa desisyon ng kataas-taasang hukuman.
Tinutulan ng mga nagsusulong ng karapatang pantao ang paghihimlay kay Pangulong Marcos sa Libingan, banggit ng korte.
Ngunit idineklara nitong dapat na manaig ang legal at makatwiran — at iyon ay ang pagkakaloob sa dating presidente sa karapatan nitong maihimlay sa Libingan.
Kinikilala ng hukuman na nagpapatuloy ang hindi natitinag na pagtutol sa nasabing libing. Mismong si dating Pangulong Benigno S. Aquino III ay nakibahagi sa protest concert nitong Linggo, kasama si dating Interior and Local Government Secretary Mar Roxas. Ngunit nagdeklara ang korte: “There are certain things that are better left to history — not this court — to adjudge. The court could only do so much in accordance with the clearly established rules and principles. Beyond that, it is ultimately for the people themselves, as the sovereign, to decide — a task that may require the better perspective that the passage of time provides. In the meantime, the country must move on and let the issue rest.”
Ngayong nagpasya na ang hukuman, asahan na natin ang nalalapit na paglilibing kay dating Pangulong Marcos sa isang espesyal na bahagi ng Libingan na laan para sa mga naging presidente ng bansa. Mayroon nang tatlong dating pangulo na nakahimlay doon — sina Pangulong Elpidio Quirino, Pangulong Carlos P. Garcia, at Pangulong Diosdado Macapagal. Ang ibang pamilya ng mga naging presidente ay piniling ilibing ang kanilang mga kaana sa ibang lugar, karamihan ay sa libingan ng pamilya sa kani-kanilang bayan.
Napagwagian ng mga nagsusulong para sa paghihimlay kay Pangulong Marcos sa Libingan ang kanilang legal na ipinaglalaban. Mabuti rin na isang simpleng libing para sa sundalo lamang ang pinlano ng pamilya Marcos. Umaasa tayong hindi ito tampukan ng mas marami pang kilos protesta. Gaya ng iminungkahi ng Korte Suprema, hayaan nating lumipas ang panahon na magbibigay sa atin ng mas malinaw na pananaw sa usapin upang maiwasan natin ang paghuhusga.