NAKARATING sa amin ang usap-usapan na medyo nahihirapan daw ang mga inatasan ni Pres. Rodrigo Duterte para pumili ng mga taong papalit sa mga taong kasalukuyang nakaupo sa Movie and Television Review anf Classification Board (MTRCB) kasama na ang chairman na halos lahat ay appointee pa ng dating administrasyon.
Ayon pa nagkuwento sa amin, may “short list” nang kasalukuyang pinag-aaralan ng mga namamahala sa pagpili sa hahalili kay Atty. Eugenio “Toto” Villareal.
Maugong ang tsika na abogado pa rin ang hahawak ng MTRCB at ito ay sa katauhan ni Atty. Oggs Cruz. Pero hindi pa rin naman daw sigurado hangga’t wala pang pahayag mula sa Malacañang.
Si Atty. Oggs ay isang film critic at reviewer ng Rappler. May mga nagsasabi na malaki ang kanyang advantage kaysa ibang pangalan na kasama sa “short list”.
Binanggit din sa amin na bagamat mapapalitan ang karamihan ay may board member pa ring mananatili sa puwesto.
Pero ang ilan sa mga kinakausap para maging board member ay tumanggi sa alok ng administrasyon kasama na si Vivian Velez at si Bayani Agbayani.
Sina Vivian at Bayani ay aktibong sumuporta sa kampanya ni Pres. Duterte pero nangatwiran daw ng dalawa na hindi na nila kailangan ang posisyon sa gobyernong tinulungan nilang mailuklok, sapat na raw ang nakatulong sila.
(Jimi Escala)