NAIS ipagpatuloy ng International non-government organization na World Vision ang kanilang pagtulong sa mga bata na makabangon mula sa dagok na idinulot ng supertyphoon ‘Yolanda’ sa pamamagitan ng pagpapatayo ng bagong parke at palaruan sa lungsod.
“This was a priority project because when we conducted an assessment of children here in Tacloban, we found out that there’s no safe place for kids to play,” saad ni Luz Mendoza, city engagement officer ng World Vision.
Kasabay ng paggunita sa ikatlong anibersaryo nang pagragasa ng nasabing bagyo, opisyal na binuksan ang parke at palaruan noong Martes sa Tacloban City Astrodome, sa tabi ng Yolanda Memorial.
Sinimulang itayo ang proyekto na nagkakahalaga ng P15 milyon noong Agosto 2016 at natapos isang linggo bago ang paggunita sa anibersaryo. Ito ang pinagtuunan ng pansin ng Hope for Tacloban’s Children Project ng World Vision.
“This is a safe place for kids to play and learn at the same time,” paglalahad ni Mendoza sa PNA, idinagdag na makatutulong ang pagpapatayo ng palaruan para maging matatag ang mga bata.
Nagpasalamat si Genalyn Macawile, 48, na nagdala ng mga apo sa parke noong Miyerkules ng gabi, sa World Vision para sa itinayong parke. “It’s good that there is place like this in Tacloban so that children won’t just sit down and watch television or play gadgets.”
Ang World Vision ay organisasyon na nakatuon sa mga bata na nagkakaloob at tumutulong sa pangangailangan, karapatan, at responsibilidad ng mga bata sa pamamagitan ng edukasyon.
Sa kasagsagan ng pagtatayo ng proyekto, aabot sa 84,000 katao ang nasuportahan ng World Vision—sa pagtatayo ng disaster risk reduction capacity at pangkabuhayan na nagkaloob ng mas maraming oportunidad para sa mga pamilyang maliit ang kinikita. Sa kabuuan, nakatulong ang World Vision sa mahigit 1.6 milyong katao mula sa emergency hanggang rehabilitation phase sa mga lugar na sinalanta ng Yolanda sa bansa. (Philippines News Agency)