NAGSIMULA nang mamigay ng pamasko ang Eat Bulaga.
Nitong nakaraang Miyerkules, nagsimula ang pamimigay ng regalo ng Kapuso noontime show sa dalawa sa studio audience.
Nagpasulat sila sa studio audience kung ano ang gusto nilang matanggap na regalo, at ipapaliwanag nila kung bakit iyon ang gusto nilang matanggap. May hashtag ito na #GiveLoveOnChristmasDay.
Ang ikainaiba ang pamimigay na ito ng regalo, isa sa Dabarkads ang bibili ng wish nilang regalo at bago matapos ang programa at 2:30 PM, makukuha na ng nabunot na pangalan ang kanilang pamasko. Si Dabarkads Ryan Agoncillo ang personal na bumili ng regalo ng dalawang studio audience.
Unang napili si Elena Villegas ng Malabon na ang wish, sa hirap daw niya sa paglalaba araw-araw, ay magkaroon ng sariling washing machine. May wish din siyang mahalikan si Bossing Vic Sotto. Natupad ang wish ni Aling Elena, at hindi lang basta washing machine ang binili ni Ryan kundi may dryer.
At si Bossing Vic, hindi lang kiss ang ibinigay kay Aling Elena, inabutan pa siya ng pambili ng sabon para sa washing machine.
Hindi naman para sa kanyang sarili ang hiniling ni Deborah Chidrome ng Mandaluyong, kundi para sa anak na nais niyang magkaroon ng shoes na pampasok sa school dahil lagi nang nasisira ang ginagamit nito.
Dahil hindi sinabi kung babae o lalake ang anak ni Deborah, bumili si Ryan ng shoes na panlalaki at pangbabae, at since babae ang anak niya, puwede raw papalitan pa iyong isa para sa baby girl ni Deborah. Pero galante si Ryan, bumili siya ng isa pang pair ng shoes na pang-PE at may karagdagan pang cash prize si Bossing Vic, mula sa EB.
Noong Huwebes, birthday ni Pauleen Luna pero siya naman ang bumili ng maagang pamasko sa dalawang napili nilang bigyan ng regalo. Ewan lamang kung may pagbabago pang magaganap sa kanilang #GiveLoveOnChristmasDay since malayu-malayo pa ang Pasko. Dahil ini-announce na ng Dabarkads na may sorpresa na rin si Ryzza Mae Dizon, para naman sa televiewers ng Team Bahay. (NORA CALDERON)