MAPAPANOOD ngayong gabi ang unang pagtatambal sa telebisyon nina Ejay Falcon at Ritz Azul sa kuwentong magpapatunay na perpektong kumbinasyon ang dalawang taong magkasalungat sa Maalaala Mo Kaya.
Dalagang palaban sa buhay si Gellen (Ritz). Determinadong abutin ang pinapangarap na magandang kinabukasan, nagtatrabaho siya sa isang fastfood restaurant para matustusang ang sariling pag-aaral. Dito niya nakilala si Jomz (Ejay Falcon), ang lalaking natutuhan na niyang mahalin.
Dahil sa lakas ng loob, ginawa ni Gellen ang lahat upang mapansin siya ng binata. Ngunit sa kabila nito, hindi nagpakita ng interes sa kanya si Jomz. Gayunman, lingid sa kanyang kaalam, may pagtingin din sa kanya si Jomz pero may pagkatorpe kaya walang lakas ng loob na manligaw sa kanya.
Pero hindi tumigil si Gellen sa pagsisikap na mapalapit kay Jomz. Gumawa siya ng paraan para magkita sila at maipadama ang kanyang pagmamahal.
Hanggang kailan maipaparamdam ni Gellen ang kanyang pagtingin kay Jomz? Magkaroon kaya sapat na tapang si Jomz para ipaglaban ang kanyang tunay na nararamdaman kay Gellen?
Makakasama nina Ritz at Ejay sa episode mamayang gabi sina Teresa Loyzaga, Efren Reyes, Andrei Garcia, Jon Lucas, Karen Timbol, Joj Agpangan, Kamile Filoteo, Mike Austria, at Joseph Bitangcol, mula sa panulat ni Benson Logronio at sa direksiyon ni Mae Cruz-Alviar.