BALIK sa red carpet si Brad Pitt sa isang fan event para sa kanyang pinakabagong pelikulang Allied sa Los Angeles noong Miyerkules, ilang oras pagkaraang maklaro ang kanyang pangalan sa child abuse allegation at humiling na magkaroon ng shared custody sa mga anak nila ni Angelina Jolie.
Naging low profile si Pitt, 52-anyos, nang maghiwalay ang Hollywood power couple na tinaguriang Brangelina noong Setyembre kasunod ng insidente sa private plate, nang mabalitaan na uminit ang ulo ni Pitt habang bumibiyahe sila ng kanyang mga anak.
Inilahad ng isang source na ayaw magpabanggit ng pangalan, na nakipag-ugnayan si Pitt sa comprehensive inquiry sa child welfare case niya sa Los Angeles Country Department of Children and Family Services, at napag-alaman na wala naman siyang nagawang pagkakamali.
Ngayong linggo, nagbalik na si Pitt sa kanyang mga obligasyon sa press para mai-promote ang kanyang pelikula. Noong Miyerkules, dumalo siya sa isang fan event kasama ang co-star na si Marion Cotillard at direktor na si Robert Zemeckis, at sumagot sa ilang mga katanungan sa Facebook live stream.
“I don’t know much about the espionage world and what it took to get behind enemy lines and to plant your characters, so that was really interesting,” kuwento ni Pitt tungkol sa pelikula na ipapalabas na sa mga sinehan sa Nobyembre 23.
Gumaganap siya bilang Canadian army officer na si Max Vartan, na nag-undercover sa Casablanca noong World War II, katambal ang French spy na si Marianne na ginagampanan naman ni Cotillard para patayin ang isang German Nazi ambassador
Ang ilang bahagi ng Allied ay may hawig sa ginampanan ni Pitt noong 2005 sa Mr & Mrs. Smith, kasama si Jolie.
Pawang may kaugnayam lamang sa pelikula ang itinanong sa kanya sa live stream interview. (Reuters)