Nasa balag na alanganin ngayon si Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa matapos iutos ng Office of the Ombudsman na imbestigahan ang pagbiyahe nito sa Las Vegas, Nevada para manood ng laban ni Senator Manny Pacquiao kontra kay Jessie Vargas, kamakailan.

Partikular na sisilipin ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales ang usaping walang ginastos si Dela Rosa sa nasabing biyahe, dahil si Pacquiao umano ang nagbayad sa lahat.

“The Ombudsman is conducting a fact-finding investigation regarding the alleged travel perks received by the PNP chief when he went to Las Vegas,” paliwanag ni Mary Rawnsle Lopez, public information and media relations bureau chief.

Binigyang-diin ni Lopez na sisiyasatin si Dela Rosa sa posible umanong paglabag nito sa Presidential Decree 46 na nagpaparusa sa mga opisyal at kawani ng pamahalaan na tumanggap ng regalo sa anumang okasyon.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Matatandaang inamin ni Dela Rosa na inimbitahan siya ni Pacquiao, kasama na ang kanyang pamilya, na manood sa laban nito kay Vargas sa Las Vegas, at sinabi niyang binayaran ng senador ang lahat ng gastos at iginiit na walang masama dahil wala naman umanong nagamit na pondo ng bayan. (Rommel P. Tabbad)