Sugatan ang isang basurero matapos tamaan ng ligaw na bala habang naghahanap ng mapapakinabangang basura sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Police Supt. Robert Domingo, station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 1, ang biktima na si Arnel Bustamante, 33, ng Smokey Mountain area, sa Barangay 128, Balut, Tondo, Maynila.
Ayon kay Domingo, naglalakad ang biktima sa Road 10, sa harapan ng SM Hypermarket, sa Balut, Tondo at naghahanap ng mapapakinabangang basura nang maramdaman niya ang pamamanhid ng kaliwang hita.
Nang kanyang tingnan ay napansing may dugong lumalabas sa kanyang hita at napabagsak na siya sa lapag dahil sa sakit na naramdaman.
Isang concerned citizen ang nagmagandang-loob na dalhin sa Tondo Medical Center ang biktima upang malapatan ng lunas.
Patuloy ang imbestigasyon sa kaso. (Mary Ann Santiago)