“HINDI pa rin siya (aktor) nagbabago?” patanong na simula ng kilalang publicist tungkol sa maarteng aktor na masyadong malihim sa personal life. “Akala ko nagbago na siya kapag iniinterbyu siya? Pinagsabihan na kasi siya before ng manager niya na kung ayaw niyang matatanong siya tungkol sa love life niya, huwag siyang kakalat-kalat.”
Na-interview kasi ng entertainment press kamakailan ang aktor tungkol sa love life na ayaw nitong pag-usapan dahil masyado pa raw bago at baka raw maunsiyame bukod pa sa nagpapakita itong iritado sa mga nagtatanong.
Katwiran ng mga katotong nag-interview sa aktor, kumalat naman na sa social media ang litrato nila ng girlfriend niya at ang dami-dami nang okasyon na magkasama sila, kaya nagtataka ang lahat kung ano pa ang kailangan niyang ilihim.
Nabanggit din ng isang veteran columnist na galing mismo sa kampo ng girl ang mga litratong naglabasan at pati ang pagkakakilalanlan ng girl, kaya ano pa ba naman ang dapat itago ng aktor.
Baka kasi nadala na ang aktor na lahat ng nagiging karelasyon niya ay nauuwi sa wala kapag nalalaman na ng publiko.
“Eh, di huwag silang lumabas ng bahay para walang makakita sa kanila,” hirit tuloy ng mataray na editor.
Oo nga naman. (Reggee Bonoan)