Tigok ang isang lalaki na hinihinalang drug pusher habang arestado naman ang isang pulis at isang midwife, sa buy-bust operation na ikinasa ng Manila Police District (MPD) sa Sta. Mesa, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Kinilala lamang ang nasawing suspek sa alyas na “Kulot”, nasa hustong gulang, ng 2026 Anonas Street, Sta. Mesa, at sinasabing kabilang sa drug watch list ng pulisya.

Samantala, arestado naman ang isang aktibong pulis na si PO3 Julius Payoyo, 54, nakatalaga sa Mandaluyong City Police Community Precinct (PCP) 2 at si Maribel Resuello, 39, midwife, kapwa residente rin sa nasabing lugar.

Sa ulat ni Police Supt. Olivia Sagaysay, station commander ng MPD-Station 8, dakong 12:10 ng madaling araw nangyari ang insidente sa bahay ng mga suspek.

Sen. Bato, iginiit na hindi convicted criminal si Lopez para ilipat sa Women's Correctional

Nauna rito, ikinasa ang buy-bust operation laban kina Kulot at Payoyo, kabilang din umano sa drug list, ngunit sa kasagsagan ng transaksiyon ay nakatunog ang suspek na mga pulis ang nasa harapan niya kaya bumunot ito ng baril at nagpaputok.

Masuwerte namang nakatakbo papalayo ang poseur buyer kaya’t hindi ito tinamaan.

Dito na pinaputukan ng mga nakaantabay na pulis si Kulot na naging sanhi ng kanyang pagkamatay, habang arestado naman sina Payoyo at Resuello.

Nakumpiska ang apat na pakete ng shabu, P300 marked money, isang kalibre .38 revolver, at isang PNP issued Glock 17 Ge 4 pistol, at isang magazine na loaded ng 16 na bala.

Nahaharap sina Payoyo at Resuello sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Mary Ann Santiago)