SA bisperas ng paghahalal ng United States ng bago nitong presidente, sinabi ni Economic Planning Secretary Ernesto Pernia na nakikinita na niya ang pagpapatuloy ng panganib sa ekonomiya sakaling manalo sa eleksiyon ang pambato ng Republican Party na si Donald Trump.

Inaasahang ang ekonomiya ng Amerika ay magiging mapagprotekta at labis na tututukan ang usaping panloob, aniya, na magkakaroon ng malaking epekto sa kalakalan, pamumuhunan at remittances. Tinukoy niya ang madalas nababanggit ni Trump na ibabalik nito sa pamumunuang bansa ang mga kumpanya sa Amerika, para magkaroon ng mas maraming hanapbuhay para sa mga Amerikano.

Kaya naman, aniya, ang pagkiling ni Pangulong Duterte sa China ay isang “safety net” sakaling mahalal si Trump. Ang pagpapaigting sa ating pakikipag-ugnayan sa mga kapwa bansang Asyano, dagdag pa niya, ay magiging “saving grace.”

Makatutulong ito upang hindi sumadsad ang pambansang ekonomiya “if the country you depend on is in trouble.”

At ngayon, nanalo nga si Trump laban sa pambato ng Democratic Party na si Hillary Clinton. Manunumpa siya sa tungkulin bilang ika-45 presidente ng United States sa Enero 20, 2017.

Noong nangangampanya, nangako si Trump na ibabalik sa bansa ang mga kumpanyang Amerikano na inilipat sa ibang bansa ang malaking bahagi ng kani-kanilang operasyon para samantalahin ang mas mababang gastusin, tipid na produksiyon at marketing, at mga insentibo sa buwis na iniaalok ng ilang bansa. Ito marahil ang pangunahing nakahatak ng atensiyon ng mga Amerikanong botante para piliin si Trump — mas maraming trabaho, na nangangahulugan ng mas malaking kita para sa mga pangkaraniwang mamamayan.

Malaking bahagi ang business process outsourcing (BPO) sa pagbabalik-bansang ito ng mga kumpanya sa Amerika. Kung tutupad si Trump sa kanyang ipinangako, maaapektuhan ang napakaraming BPO na nagbigay ng trabaho sa maraming Pilipino sa bansa, bagamat sinabi ni Secretary Pernia na ang ekonomiya ng Amerika ay pinasisigla ng pribadong sektor at ang mga kumpanyang Amerikano ang magdedesisyon kung saan nila bubuksan ang kani-kanilang operasyon.

Nagpahayag din ng pangamba si Pernia tungkol sa remittances na ipinadadala ng mga overseas Filipino worker sa Amerika, sakaling ipatupad na ng administrasyong Trump ang polisiya nitong tutol sa immigration. Ayon sa isang London think tank, ang Pilipinas, kasunod ng Taiwan at Korea, ang pinakamaaapektuhan sa pamumuno ni Trump sa lahat ng bansang Asyano.

Ang lahat ng pangambang ito ay ibinatay sa mga ipinangako ni Trump noong kampanya. Gayunman, sinabi ni Finance Secretary Carlos Dominguez na ang bagong presidente at ang dating kandidato ay magkaibang tao. “We will have to wait and see what policies a Trump presidency will implement,” aniya.

Kailangan ngayong magplano ng ating mga economic planner para sa pagsisimula ng administrasyong Trump dahil walang dudang makaaapekto ito sa ating ekonomiya. Magkakaroon din ito ng epekto sa iba pang aspeto ng ugnayan ng Pilipinas at Amerika, partikular na sa ating mga patakarang panlabas at kasunduan sa seguridad, ngunit inaasahan nating pinakamatindi ang magiging epekto nito sa ating ekonomiya, na dapat ngayong paghandaan nina Secretary Pernia, Secretary Dominguez, at ng iba pang economic planners ng administrasyong Duterte.