Sinabi ni Senator Manny Pacquiao na mas sumakit ang ulo niya sa imbestigasyong isinagawa ng Senado sa pagkakapatay kay Albuera Mayor Rolando Espinosa, kumpara sa laban niya nitong Linggo kay Jessie Vargas.

Aniya, mahirap paniwalaan ang mga pahayag ng mga opisyal ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa pagdinig ng Senate Committees on Public Order and Illegal Drugs at Justice, hinggil sa pagkamatay ni Espinosa at ng isa pang inmate na si Raul Yap.

“‘Yung mga paliwanag ninyo, napakababaw para paniwalaan. Can you imagine ‘yung parang natatakot magsalita ‘yung kapwa ninyong pulis, mga jail guards, pati provincial warden, parang may tinatago na gustong sabihin, sabihin ang katotohanan, First time, ngayon ko lang narinig na kukuha ng warrant sa kulungan (para) sa nakakulong eh anytime pwede kausapin ‘yung warden, Tumataas ‘yung blood pressure ko,” ani Pacquiao.

Nilektyuran pa ni Pacquiao ang CIDG sa pagkuha ng search warrant para sa isang government facility.

National

Usec. Castro, kinudang ‘team itim power’ imbes na ‘girl power’ tambalang VP Sara–Sen. Imee

Iginiit niya na hindi na dapat kumuha ng search warrant dahil anumang oras ay pwedeng magsagawa ng pananalakay ang mga awtoridad sa loob ng selda.

“Wala na’tong right to privacy kasi nakakulong siya. Hindi na niya kailangan mag-apply ng search warrant. No need kasi nakakulong na siya ... nasa government facility na siya,” ani Pacquiao.

Sinabi pa nito na suportado niya ang kampanya ng pamahalaan laban sa droga, pero kapag protektado ng ilang pulis, pasensiyahan na lang umano. (Leonel M. Abasola)