ROXAS CITY – Tatlong taon makalipas ang pananalasa ng super typhoon ‘Yolanda’, isang P289-milyon proyektong pabahay ng gobyerno para sa mga sinalanta ng bagyo sa Roxas City, Capiz ang nakatengga matapos na pakinabangan ng iba.
Walang kahit isang Yolanda survivor ang nakatira sa 11.87-ektaryang housing site ng National Housing Authority (NHA) sa Barangay San Jose. Sa halip, 187 pamilyang nasunugan noong Marso 2014 ang na-relocate sa lugar.
Pansamantala ring ipinatigil ng Goldenville Realty and Development Corp., ang pribadong contractor ng NHA para sa proyekto, ang konstruksiyon sa lugar.
Kuwento naman ni Roderick Dela Cruz, tumatayong pinuno sa grupo ng mga nasunugan, kung paanong nagtungo sa lugar ang isang Yolanda survivor upang inspeksiyunin ang housing site at sinabi umano nito sa kanya na walang sinuman sa mga binagyo ang interesado sa nasabing libreng pabahay.
Hindi na ito kataka-taka para kay Dela Cruz, at sinabing madilaw at minsan ay may uod pa ang tubig na lumalabas sa gripo sa lugar. Dagdag pa niya, madalas na nagkakasakit ang mga bata at matatandang residente roon, bukod pa sa nagkakaroon ng mga pantal sa balat.
Aniya pa, sarili rin nila ang gastos sa paglalagay ng bubong, bintana, pinto at mga tubo ng tubig sa bahay dahil kung hindi nila gagawin iyon ay hindi naman umano maaaring tirahan ang bahay.
Sa site visit, natuklasan ng may akda na ang kondisyon sa nasabing pabahay ay gaya ng nakadetalye sa report ng National Economic and Development Authority (NEDA)-Region 6 noong Hunyo 2016 na hindi kumpleto ang mga Yolanda housing unit sa Aklan, Antique, Capiz, at Iloilo.
Una nang naging kontrobersiyal ang P289-milyon proyektong ito dahil sa sinasabing paglabag sa zoning ordinance at sa Comprehensive Land Use Plan ng pamahalaang lungsod ng Roxas. (Tara Yap)