MEDYO napangiwi ako nang mabasa ko ang artikulo hinggil sa parangal na iginawad sa walong pulis na nakahuli sa kabaro nilang mga opisyal na pumatay kay Zenaida Luz sa harapan ng kanyang bahay sa Mindoro, habang napamura naman ako nang mabasa ko ang karugtong nito— patunay umano ito na hindi suportado ng pamahalaan ang mga ganitong uri ng pagpatay na laganap sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ang masakit pa rito, ang mga pahayag na ito ay galing pa mismo sa mga opisyal ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) at grupo ng Citizen Crime Watch (CCW) na tanging inaasahan ng mga mamamayan na pupukpok sa Philippine National Police (PNP) upang malutas ang isang krimen na katulad ng nangyari kay Luz na isa ring human rights activist.
Huwag ninyong bilugin ang ulo ng mga tao. Ang pagpatay kay Luz ay hindi natatapos sa pagkakaaresto kina Senior Inspector Magdaleno Pimentel Jr., at Inspector Markson Almeranez matapos nilang tambangan si Luz noong Oktubre, sa Barangay Maligaya, sa munisipalidad ng Gloria. Ang kailangan naming malaman ay kung sino ang nag-utos sa dalawang junior officer na ito ng PNP at ano ang motibo.
Medyo nakabibingi kasi ang sobrang pananahimik hinggil sa bagay na ito ng pamunuan ng Police Regional Office 4-B na pinamumunuan ni Chief Supt. Wilben M. Mayor. Kailangan namin ay RESULTA ng imbestigasyon sir, at hindi PROPAGANDA.
May mga nagtatanong kung bakit daw “restricted” lang sina Pimentel at Almeranez sa kampo at hindi outright na na-dismiss sa pagiging pulis, dahil kung tutuusin ay nahuli sila sa aktong pagpatay at nakipagbarilan pa sa mga kabaro nilang rumesponde. Kaya nga ginawaran ng medalya ang walong pulis na rumesponde ‘di ba? Kasi “meritorious” ‘yung nagawa nila at hindi “tsamba” lang. Komento pa nga ng isang imbestigador na nakausap ko, malamang nasama na rin sa bilang ng mga tinakpan ng diyaryo sa kalsada ang dalawang pulis na ito kung ‘di lang nakasigaw ng “katropa” kaya tinantanan ng mga pulis ang pamamaril. Sugatang itinakbo sa ospital ang dalawa.
Para naman sa mga kaibigan natin sa VACC at CCW, lalo na ang pangulo nitong si padi Carlo M. Batalla, tama lang na papurihan ang mga... nagtatrabahong pulis, ilagay lang sa tamang lugar at panahon, at ‘wag ninyo lang sanang hayaang matakpan ng propaganda ang tunay na resulta sa isinasagawang imbestigasyon, kung mayroon man.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)