ANG pagkakahalal ni Republican bet Donald Trump bilang ika-45 Pangulo ng United States of America – ang pinakamakapangyarihang bansa sa daigdig – ay lumikha ng kabiguan, pangamba, paghanga sa sistema ng eleksiyon at mga paghamon hinggil sa pagpapairal ng mga patakarang panlabas.
Nabigo hindi lamang ang mga Kano kundi maging ang sandaigdigan na masaksihan ang kauna-unahang Pangulong babae ng US dahil sa pagkatalo ni Democrat candidate Hillary Clinton sa kabila ng kanyang umano’y pagiging llamado sa labanan.
Dahil dito, kaagad namang lumutang ang mga haka-haka na si Michelle Obama, maybahay ni Pangulong Barack Obama, ay
posibleng pumalaot sa pulitika sa susunod na US presidential polls. Ang espekulasyong ito ay nakaangkla marahil sa kalakaran sa naturang bansa tungkol sa political dynasty.
Nagdulot din ng pangamba sa mga Kano, lalo na sa mga Filipino immigrants o mga Pinoy na nandayuhan sa US, ang panalo ni Trump. Sila, kabilang na rin ang iba pang lahi na karamihan ay mga undocumented, ay nag-aalala na sila’y pabalikin sa kani-kanilang pinanggalingang bansa. Tila mainit ang mata, wika nga, ni Trump sa nabanggit na mga lahi o immigrants; halos ipagsigawan na siya ay magiging Pangulo lamang ng mga Kano.
Subalit ang ganitong pangamba ay tiyak na pinawi ng pagbati ni Pangulong Rodrigo Duterte sa tagumpay ni Trump.
Tahasan niyang ipinahiwatig na inaasahan niya ang higit na pag-igting ng relasyon ng Pilipinas at US; kabuntot ito ng kanyang pahayag na hindi niya aawayin ang bagong-halal na Pangulo ng US.
Taliwas ito sa pakikitungo ni Pangulong Duterte sa Obama administration. Matindi ang kanyang mga patutsada na may kaakibat na pagmumura kay Obama; halos ipagtabuyan niya ang US troops na nasa Mindanao dahil sa sinasabing panghihimasok ng US leader sa pamamahala sa ating bansa.
Hindi dapat ipagtaka ang inaasahang pagmamabutihan nina Duterte at Trump. Sinasabing pareho silang iniluklok ng kapalaran o destiny; at magkahawig ang pag-usal nila ng magagaspang at mahahayap na pananalita na kaakibat ng matinding paninindigan. Hindi malayo na... magkatulad ang kanilang mga patakarang panlabas o foreign policy. Sapat na ito upang mapawi ang pangamba ng Filipino immigrants sa US.
Sa kabila ng pagiging anti-US ni Pangulong Duterte, dapat lamang niyang pangalagaan ang ating mga kababayan sa US at sa iba pang bansa sa Asia at Europa; hindi sila dapat mahagip ng ipatutupad niyang independent foreign policy.
(Celo Lagmay)