BILANG pagdiriwang sa ikawalong taon ng Banana Sundae ay magkakaroon sila ng anniversary concert sa Kia Theater sa Nobyembre 17, Huwebes, 7:00 PM na magsisilbi ring pasasalamat nila sa mga taong sumusuporta sa kanila.
Marami ang natutuwa sa pang-i-spoof nina Jobert Austria at Badjie Mortiz kina Pangulong Rodrigo Duterte at Sen. Leila de Lima kaya natanong ang dalawa kung hindi ba sila natatakot na baka bigla silang ipatawag sa ginagawa nila.
“Hindi naman po kasi komedyante naman kami, so hindi naman seryoso po ‘yun. So far, wala naman pong negative feedback, natatawa pa nga sila (televiewers),” katwiran ni Badjie.
“Hindi naman din ako kinakabahan kasi comedy naman ‘yun. ‘Pag pinatawag na ako sa Malacañang, eh, di titigil na ako,” say naman ni Jobert.
Hindi lingid sa madlang pipol na tumikim ng bawal na gamot si Jobert, kaya naman sa nakaraang birthday celebration niya sa Banana Sundae nitong Linggo ay marami siyang pinasalamatang tao na nakatulong para malagpasan niya ang lahat ng mga pagsubok ng buhay sa kanya.
“Actually, hindi naman lihim sa mga tao po na nag-drugs ako, matagal na po akong huminto, actually, bago pa naging presidente si Duterte huminto na ko, malinis na po ako ngayon.
“Nawalan ako ng trabaho noon, pero ngayon okay na ako at puwede akong maging ehemplo ng mga taong gumagamit na kaya palang magbago lalo’t suportado ako ng mga kaibigan ko.
“Nakatawid ako (sa pagiging drug addict). Kung alam ko nga lang, hindi na ako nagpa-rehab, dito (Banana Sundae) na lang ako nagpa-rehab, ‘laking tulong po talaga nila sa akin,” pagtatapat ni Jobert.
Bakit nga ba siya naligaw noon sa masamang bisyo?
“Katulad din po ako ng iba na walang-wala ‘tapos kapag nagkaroon o nakariwasa na, minsan napapasama sa ibang barkada, kaya ngayon po, namimili na ako ng kaibigan,” sagot ni Jobert.
Sinegundahan naman nina John Prats, Pokwang at iba pa nilang kasamahan si Jobert na sila-sila na nga ang kasama ng komedyante ngayon at hindi na nila ito ihinihiwalay sa grupo.
“If ever na hindi magkikita, panay ang check sa kanya kung nasaan siya, kung okay siya at kung ano’ng ginagawa niya. Tutok kami sa kanya ngayon,” kuwento ni John. (REGGEE BONOAN)