Sumuko kahapon sa mga operatiba ng pulisya at militar sa Cotabato City ang isa pang suspek sa pambobomba sa Davao City night market nitong Setyembre 2.
Kinilala ni Col. Benjamin Hao, tagapagsalita ng Philippine Army, ang suspek na si Jerico Javier De Roma, alyas “Kokoy”, 25, taga-Mandanas Compound, RH10 sa Cotabato City.
Umano’y miyembro ng Dawlah Islamiyah Fi Lanao Cotabato Chapter (Maute Group), isinuko ni De Roma ang sarili sa mga awtoridad dakong 5:30 ng umaga kahapon.
Sinabi ni Hao na si De Roma ang driver ng grupo na nagsagawa ng pambobomba na ikinasawi ng 15 katao at ikinasugat ng 70 iba pa.
Ayon kay Hao, napilitan na umanong sumuko si De Roma dahil ramdam nito ang maigting na pagtugis ng awtoridad, at nasa kostudiya na ngayon ng Criminal Investigation and Detection Group-Autonomous Region of Muslim Mindanao (CIDG-ARMM).
Oktubre 29 nang maaresto ng mga awtoridad ang apat pang suspek sa pagsabog sa operasyon ng military, pulisya at National Intelligence Coordinating Agency (NICA) sa magkahiwalay na operasyon sa Cotabato City.
Ang apat at sina Mohammad Lalaog Chenikandiyil; Jackson Mangulamas Usi; Zack Villanueva Lopez; at Ansan Abdulla Mamasapano, na ayon sa Philippine Army ay pawang miyembro ng Maute Group. (Francis T. Wakefield)