APATNAPU’T isang taon na ang nakalipas nang matamo ng Angola ang kalayaan nito mula sa Portugal, matapos ang mahigit isang dekada ng armadong pakikipaglaban kontra sa pananakop ng Portugal. Ang national holiday na ito ay malawakang ipinagdiriwang sa bansa at tinatampukan ng mga pormal na pagtatalumpati, seryosong mga seremonya, mga parada, mga konsiyerto at iba pang aktibidad para sa kasiyahan.
Ang Angola at naging kolonya ng Portugal sa loob ng apat na daang taon, maliban sa panahon ng pananakop ng mga Dutch (1641-to-1848). Ang armadong pakikibaka para sa kalayaan ng Angola, na kilala rin bilang Portuguese Colonial War noong 1961 ay pinangunahan ng Popular Movement for the Liberation of Angola (MPLA), ng National Front for the Liberation of Angola (FNLA), at ng National Union for the Total Independence of Angola (UNITA). Noong Nobyembre 11, 1975, kinubkob ng MPLA ang kabiserang siyudad ng Luanda at idineklara ang kalayaan ng Angola.
Kilala sa naggagandahan nitong rock formation, mahahabang dalampasigan at mayamang biodiversity, ang Angola ay nasa katimugan-gitnang bahagi ng Africa. Nakikihati ito ng mga lupaing hangganan sa Namibia, Zambia, Congo, at Democratic Republic of the Congo. Ang kabisera at pinakamalaki nitong lungsod na Luanda, na itinatag noong 1575 ng mga Portuguese, ay isang daungang siyudad sa kanlurang baybayin ng Southern Africa.
Maraming maiaalok ang bansa sa mga bumibisita rito: ang Parque Nacional de Kissama na isang wildlife sanctuary na nagpoprotekta at nangangalaga sa maraming African species; ang nakamamanghang Tundavala Fissure; ang 60-metro ang taas na Dala Waterfalls; at ang Maiombe Forest na tinatampukan ng mahigit 400 kilometro kuwadrado ng kagubatan at tinaguriang “Amazon of Africa.”
Ang Republic of Angola at ang Pilipinas ay mayroong malapit na ugnayan. Mayroong tanggapan ng konsulado ang Angola sa Maynila, habang ang konsulado naman ng Pilipinas ay matatagpuan sa Luanda.
Binabati natin ang mamamayan at ang gobyerno ng Republic of Angola, sa pangunguna ni President Jose Eduardo dos Santos, sa pagdiriwang nila ng ika-41 anibersaryo ng Independence Day.