BAYAMBANG, Pangasinan – Isang dating konsehal, apat na incumbent barangay chairman at isang kagawad na pawang high-value target ang magkakasunod na dinakip kahapon sa drug raid sa bayang ito.

Dakong 3:00 ng umaga nang gawin ng mga operatiba ng Pangasinan Police Provincial Office, Special Weapons and Tactics (SWAT), Provincial Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group (PAIDSOTG), Lingayen Police, Binmaley Police, Urbiztondo Police, Bugallon Police, Bautista Police, Bayambang Police, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Region 1 at Philippine Army ang paglakay sa bisa ng search warrant.

Unang nadakip ng awtoridad si Jose Sandy Gavino, ng Barangay Tamaro, at nasamsam sa kanya ang dalawang malalaking sachet ng hinihinalang shabu at isang Nokia cell phone.

Naaresto rin ang mga barangay chairman na sina Renato Soriano, ng Bgy. Tamaro, na nakumpiskahan ng dalawang malalaking pakete ng hinihinalang shabu at isang sachet ng eadrix tablet at floxel antibiotic; George E. Balbin, ng Bgy. Nalsian Sur, na may dalawang sachet ng hinihinalang shabu; Gildo A. Madronio, ng Bgy. San Gabriel 2nd, na may tatlong sachet ng hinihinalang shabu; at Eduardo P. Alcantara, ng Bgy. Beleng, na nasamsaman ng apat na sachet ng hinihinalang shabu.

Probinsya

Dating barangay captain sa Catanduanes, dinukot at pinagnakawan ng kalalakihan

Arestado rin sina Gerardo C. De Vera, dating konsehal ng Bayambang, at taga-Bgy. Zone 1, na nakumpiskahan ng isang .9mm caliber, magazine assembly ng ingram, at dalawang sachet ng hinihinalang shabu; at Mark Monderin, kagawad ng Bgy. Malimpec, na nakumpiskahan ng dalawang sachet ng hinihinalang shabu.

Tatlong sachet ng hinihinalang shabu naman ang nakumpiska kay Roderick T. Casingal, chairman ng Bgy. Iton, na hindi nagawang madakip.

Sampung search warrant ang inihain at pito ang nadakip; hindi naaresto si Casingal habang nagnegatibo naman sina Germaine Lee A. Orcino, ng Bgy. Magsaysay; at Rodelito F. Bautista, ng Bgy. Bani. (LIEZLE BASA IÑIGO)