Labing-apat na piraso ng ecstasy ang nakumpiska ng mga tauhan ng Southern Police District (SPD) sa isang estudyante sa buy-bust operation sa Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig City, nitong Miyerkules ng gabi.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang suspek na si Kim Go, 21, ng Taguig City.

Dakong 10:00 ng gabi isinagawa ang buy-bust operation, sa pangunguna ng mga kagawad ng District Anti-Illegal Drugs-Special Operation Task Group (DAID-SOTG) ng SPD, laban sa suspek sa BGC.

Isang pulis ang tumayong poseur buyer ng limang tableta ng ecstasy sa halagang P2,500. Makalipas ang ilang sandali ay dinamba na ng mga pulis si Go habang iniaabot niya ang party drugs sa poseur buyer, at nahulihan pa ng siyam na ecstasy pills na isinilid sa isang candy box.

Cielo Magno, bet masilip Blue Ribbon Committee report na ayaw pirmahan ni Sen. Robin Padilla

Ayon kay Taguig City Police chief Senior Supt. Allen Ocden, matagal nang isinasailalim sa police surveillance si Go matapos umanong kumpirmahin ng ilang asset ng pulisya na nagbebenta ang suspek ng ecstasy sa BGC at iba pang lugar sa Maynila.

Nakakulong si Go sa detention cell ng SPD sa Fort Bonifacio, Taguig City.

Nakikipag-ugnayan na rin ang awtoridad sa pamilya ni Go at patuloy ang follow-up operation laban sa umano’y supplier niya ng party drugs at iba pang kasabwat. (BELLA GAMOTEA)