MAGAGAYA na naman sa pagkamatay ng SAF 44 sa Mamasapano ang pagkasawi ni Albuera Mayor Rolanda Espinosa Jr. sa bilangguan sa Baybay, Leyte.
Paano, kaliwa’t kanang imbestigasyon na naman ang mangyayari at iba’t ibang ahensiya na naman ng gobyerno ang mag-iimbestiga. Gagawa raw umano ng kani-kanilang imbestigasyon ang Department of Justice (DoJ), National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Commission on Human Rights (CHR) at ang Senado.
Eh, ang mga ahensiyang ito ang nag-imbestiga ng Mamasapano massacre at pagkatapos ng kanilang imbestigasyon, magkakasalungat na report ang naging bunga.
Kaya nga, pinaiimbestigahan na naman ni Pangulong Digong ang Mamasapano.
Pero, parang limitado rin ang nais malaman ng Pangulo. Ang naiulat na gusto niyang lumabas ay kanino napunta iyong malaking salaping nakapatong sa ulo ni Marwan, ang sinasabing terorista na naging sanhi ng sikretong operasyon ng PNP na ikinasawi ng SAF 44? Isa pa, sa galit ni Pangulong Duterte sa Amerika, nais niyang malaman kung ano ang naging partisipasyon ng mga sundalong Kano sa operasyong ito?
May kaugnayan ito sa pagpapaalis niya sa mga sundalong Kano sa Mindanao. Pero, ang kailangang lumabas upang mapanagot, sa mga naunang imbestigasyon o itong isasagawang imbestigasyon sa utos ng Pangulo, ay ang mga pinakautak ng operasyon.
Dahil iyong mga ahensiya ng gobyerno na nag-imbestiga sa Mamasapano ay sila rin ang mag-iimbestiga sa pagkamatay ni Mayor Espinosa, malamang na maitatago na naman ang may pananagutan.
Ang maliwanag, si Mayor ay biktima ng extrajudicial killing, pero judicial ang bahagi ng pamamaraan. Kasi, proseso ng korte ang ginamit. Search warrant na inisyu ng korte ang susing ginamit ng 20 elemento ng CIDG Region 8 para mapasok ang selda ng alkalde. Kung bakit nag-isyu ang judge ng search warrant laban sa alkalde na nakakulong na ay isang malaking isyu. Iba naman kung bakit itinaon sa madaling araw ang pagsilbi nito sa kanya.
Kaya, madaling ikatwiran ng mga pumatay sa kanya na lumaban siya nang inihahain na sa kanya ang search warrant. At sino ang magpapabulaan nito at sa kanilang deklarasyon na may baril at ilegal na droga ito at ang kanyang kasama?
Gayong ang nasa selda lang ay ang mga pumatay at mga napatay.
Kayo, noon pa man, pinakikilos na namin ni Atty. Ramon Matignas, Jr. ang Korte Suprema sa petisyong isinampa namin dito na ipademanda... na sa NAPOLCOM at PNP ang mga pumatay sa mga sangkot sa ilegal na droga ayon na rin sa kanyang mga desisyon.
Ang iba sa mga naganap na patayan ay sangkot ang mga search warrant at warrant of arrest na inisyu ng mga korte.
Dapat dito na kay Espinosa tumigil ang mga ginagawang pagpatay ng mga awtoridad, lalo na iyong paggamit ng proseso ng batas na ang mga korte ang mismong nag-iisyu nito. (Ric Valmonte)