Mas maigting ang labanan para sa nalalabing twice-to-beat incentive sa UAAP Season 79 men’s basketball tournament Final Four round makaraang magtala ng panalo ang Ateneo de Manila at Adamson University nitong Miyerkules sa MOA Arena sa Pasay City.
Tinalo ng Blue Eagles ang defending champion Far Eastern University Tamaraws, 74-59 habang ginapi ng Falcons ang host University of Santo Tomas Tigers,76-61.
Dahil sa panalo, pumatas ang Blue Eagles sa Tamaraws sa ikalawang puwesto sa barahang 8-4, habang tumatag ang Falcons sa markang 7-5.
Bukod dito, nabuhay din ang tsansa ng Falcons na makahabol sa No.2 spot na gaya ng top spot na okupado ng De La Salle at may kakambal na twice-to-beat bonus.
Kung maipapanalo ng Falcons ang huling dalawang laro at matalo naman ang Blue Eagles at Tamaraws sa huling dalawang laban nila magkakaroon ng 3- way tie para sa second place kung saan magkakaroon ng dalawang playoffs para alamin kung sino ang aangkin ng twice-to-beat edge sa semis at sino ang bababa sa 3rd at 4th spot.
Kaugnay naman ng dalawang sunod na kabiguan, bumabalik ang duda sa kakayahan ng Tamaraws na madepensahan ang kanilang korona.
Sa panig naman ng Blue Eagles, sinasabi gayon na isa na silang lehitimong contender kasunod ng kabilang paggapi sa mga malalakas na koponang Green Archers at Tamaraws. (Marivic Awitan)