Bubulabugin ng mga dayuhan at lokal na koponan ang malinaw na tubig ng Puerto Princesa ngayong Sabado at Linggo sa paghohost ng Philippine Canoe Kayak Dragon Boat Federation sa Asian Dragon Boat Club Crew Championships at Palawan Open.

Asam ng PCKDF na masundan ang matagumpay nitong kampanya sa Moscow, Russia sa pagtatangka na mapanatili ang hawak na gintong medalya sa kategorya na 200m at 500m 10-seater sa kada dalawang taong torneo na kabilang sa kalendaryo ng International Canoe Federation (ICF).

Kabuuang pitong bansa ang lalahok kasama ang host sa 3-in-1 na event na isasagawa simula Nobyembre 11 at matatapos sa 13. Ilan dito ang nasa bansa na ngayon para sumabak sa aksiyon na Germany, Singapore, Indonesia, Thailand, Hong Kong, Japan, at U.S.

Nagwagi ng tatlong gintong medalya sa International Canoe Federation Dragon Boat World Championships sa Russia nitong Setyembre ang Pinoy.

Biathlon Olympian, binuking panloloko niya sa jowa niya sa post-game interview

Gayunman, sinabi ni PCKDF coach Duchess Francine Co na inaasahan nilang mahihirapan sa torneo dahil lubhang nagpalakas ang kanilang mga karibal kabilang na ang Thailand.

“The Thais remain the biggest threat in our bid to rule the two-day meet. Although we’ve prepared for this meet the whole year, we cannot be complacent. We met the Thai in Moscow and we did well in the competition. Baka bumawi sila the next time, but we’re prepared for this.”

Isasagawa sa ikalawang araw ng kompetisyon ang International Club Crew Championships tampok naman ang mga pangunahing koponan mula sa 10 kasaling bansa kasama ang mula sa Manila, Visayas, at Mindanao.

Ilan sa paboritong lokal na koponan ang Sagwan Tanauan na matatandaang tinalo ang powerhouse na Philippine Marine sa isinagawa ng asosasyon na serye ng karera ngayong taon. Pilit din gagawa ng ingay ang ibang local club teams tulad ng Philippine Titans, Manila Dragons, at Team Hugtong. (ANGIE OREDO)