Hindi matanggap ng karamihan ng mga Amerikano ang naging resulta ng halalan.
Libu-libong mamamayan ang nagmartsa sa mga lungsod sa buong United States noong Miyerkules upang iprotesta ang nakagugulat na panalo ni Republican Donald Trump sa US presidential election. Kinondena nila ang mga kontrobersyal na pahayag nito noong kampanya laban sa mga immigrant, Muslim at iba pang grupo.
Sa New York, napuno ang mga kalye sa midtown Manhattan. Nagmartsa ang marami patungo sa Trump Tower sa Fifth Avenue, habang ang iba ay nagtipon sa Manhattan park at sumigaw ng “Not my president.”
Sa downtown Chicago, tinatayang 1,800 katao ang nagtipon sa labas ng Trump International Hotel and Tower, sumigaw sila ng “No Trump! No KKK! No racist USA.”
Daan-daan din ang nagtipon sa Philadelphia, Boston, Seattle at Portland, Oregon. May inoorganisa ring rally para sa Huwebes sa San Francisco, Los Angeles at Oakland, California.
Sa Austin, ang kabisera ng Texas, 400 katao ang nagprotesta sa kalye.
‘DREAMERS’ FEAR
Isang grupo ng 300 high school students na karamihan ay Latino ang nag-walkout sa kanilang mga klase noong Miyerkules ng umaga sa Los Angeles at nagmartsa patungo sa City Hall, kung saan sila nagdaos ng maingay na protesta.
Sumigaw sila sa wikang Spanish: “The people united will never be defeated.” Bitbit ng grupo ang mga karatula na mababasang “Not Supporting Racism, Not My President” at “Immigrants Make America Great.”
Karamihan sa mga estudyante ay mga miyembro ng “Dreamers” generation, mga kabataan na ang mga magulang ay illegal na pumasok sa United States, at nangangamba na mai-deport sa ilalim ng Trump administration.
“A child should not live in fear that they will be deported,” sabi ni Stephanie Hipolito, isa sa student organizers ng walkout.
POPULAR VOTE
Isang araw matapos ang halalan, nanguna si Hillary Clinton sa popular vote, ayon sa unofficial results.
Sa ilalim ng Electoral College system, ang bawat estado ay nakakukuha ng isang boto para sa bawat miyembro ng Congress na kumakatawan sa estado. Kailangan ng 270 Electoral College votes para manalo sa panguluhan. Nakuha ni Trump ang 279.
Mayroon na ring mga panawagan sa nakalipas na ibasura na ang Electoral College ngunit hindi ito nagtagumpay. Huli itong isinulong matapos ang 2000 presidential election, kung saan natalo ang Democrat na si Al Gore kay Republican George W. Bush, kahit na siya ang nagwagi sa popular vote. (AP/Reuters)