Naisalpak ni Ibrahim Outtara ang putback sa huling dalawang segundo para sandigan ang University of the Philippines Fighting Maroons sa dikitang 72-71 panalo kontra Centro Escolar University-A Scorpions nitong Linggo sa Fr. Martin Cup sa St. Placid gym ng San Beda College-Manila campus sa Mendiola.

Nakuha ni Outtara ang tyempo mula sa mintis na tira ni Rob Ricafort para sa ikapitong panalo ng Fighting Maroons para makausad sa semifinal sa kauna-unahang pagkakataon sa torneo.

Umusad din ang San Beda-A Red Lions, Far Eastern University Tamaraws at San Beda-B Red Lions.

Sa junior action, ginapi ng National University Bullpups, sa pangunguna ni Miguel Pangilinan, ang Manila Patriot School, 79-78, sa overtime para makamit ang unang semis berth tangan ang 7-1 karta sa Group B.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Hataw si Mac Chester Jacob sa nakubrang 19 puntos sa 83-67 panalo ng Hope Christian School kontra San Beda-Rizal.

Magaan naman ang panalo ng Red Lions-A via forfeiture kontra CEU-B Scorpions. Nagsagawa ng walked-out ang Scorpions nang hindi tawagan ng referee ang isang play kung saan table ang iskor sa 76-all.

Ginapi naman ng FEU Tamaraws ang Arellano University Chiefs, 94-84, habang nagwagi ang SBC-B Red Lions sa Letran, 71-70.

Magtutuos ang Maroons at San Beda-B ganap na 11 ng umaga sa pagsisimula ng semifinal sa Sabado sa Arellano University gym, habang magtutuos ang FEU at San Beda-A sa 12:30 ng hapon.

“It was a scary win. The boys were playing under pressure with their bid to post seven straight wins,” sambit ni UP coach Rodney Santos.