Isang 63-anyos na puganteng Amerikano na nahaharap sa patung-patong na kaso sa kanyang bansa ang dinampot ng mga tauhan ng Fugitive Search Unit (FSU) ng Bureau of Immigration (BI) sa Angeles City, Pampanga.
Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, inaresto si Wayne Russell Collins matapos ang dalawang araw na surveillance kasama ang mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) at ng US Embassy sa Maynila.
“As per official communication from the US Embassy in Manila, the subject is a fugitive from justice with a standing warrant of arrest issued by the Justice court of Mineral County, Montana,” ayon sa ulat ng BI.
Nabatid na sangkot si Collins sa mga kasong kidnapping, robbery, homicide, pitong bilang ng assault and battery, anim na bilang ng pagnanakaw, tatlong domestic violence, tatlong obstruction of justice at tatlong resisting arrest.
Lahat ng pasaporte ni Collins ay binawi ng US Department of State, samantalang inaayos na ng BI ang mga dokumento nito upang mapauwi na sa Amerika. (Mina Navarro)