Iginiit ni Senator Panfilo Lacson na dapat masilip din kung bakit iisang hukom lamang ang nag-iisyu ng search warrant sa mga hinihinalang drug personalities na nagreresulta sa pagkamatay ng ilan, at ang huli ay sina Albuera Mayor Rolando Espinosa Sr., at Arthur Yap, sa loob ng Baybay, Leyte sub-provincial jail.

Ayon kay Lacson, nakakapagtaka kung bakit si Judge Tarcelo Sabarre, presiding judge ng Regional Trial Court, Branch 30, ng Basey, Samar ang nagpapalabas ng search warrants (SW) sa ilang drug suspects.

Sinabi ni Lacson na inaalam niya rin kung may pananagutang administratibo ang hukom sa pag-isyu ng search warrants sa isang pasilidad ng pamahalaan.

“So let’s find out. I’m also trying to find out kung the same judge din ba nag-issue ng SW sa Leyte penitentiary where Egay Alvarez, one of the alleged sources of Kerwin Espinosa ng kanyang drugs, kung may SW din ‘yan, ‘yan din ba ang judge na nag-order?,” ani Lacson.

National

5.9-magnitude na lindol, yumanig sa Southern Leyte; Aftershocks at pinsala, asahan!

“Remember, he is a RTC judge based in Basey, Northern Samar. May RTC judges din na nasa Leyte, so nagtataka din ako kaya tatanungin ko sa CIDG tomorrow bakit sila kumuha ng warrant sa judge although malapit lang ‘yan, but that’s another province” dagdag ni Lacson.

Aniya, parehong judge rin ang nag-isyu ng SW sa pananalakay na nagresulta sa pagkamatay nina Edgar Allan Alvarez at Fernando Balagbis sa provincial jail din ng Baybay.

Itinakda ngayong araw ang pagdinig sa extrajudicial killings (EJKs) kung saan inaasahan namang dadalo ang mga pulis na sangkot sa pagsalakay. (Leonel M. Abasola)