HANGAD namin ang mabuti para kay Senator Francis Pangilinan na itinalaga kamakailan bilang acting president ng Liberal Party (LP). Siya, kasama ang iba pang pinuno ng partido, ay haharap sa tungkulin na malinaw na naisantabi ng mga naunang malalaking partido—kung paano mapananatili ang pagiging isang puwersang pulitikal matapos matalo sa halalan.
Simula nang buwagin ng batas militar ang two-party system noong 1972, bigo nang maging malakas na puwersa sa pulitika sa Pilipinas ang mga partido sa bansa. Sa tuwina, pinagkukulumpunan ang nanalong pangulo ng mga pinuno ng ibang partido ngunit para lamang sa isang pansamantalang alyansa at hindi nabubuklod sa ideyolohiya ng partido, gaya ng sa Amerika, sa Europa, at sa iba pang bansa sa Asia.
Dahil dito, ang lahat ng presidenteng sumunod kay Pangulong Ferdinand Marcos ay may sariling grupo na kinikilala bilang mga pangunahing partido sa loob lamang ng anim na taon, o sa buong termino ng presidente. Sa kasalukuyan, hindi na natin masyadong naririnig ang Laban ng Demokratikong Pilipino ni Pangulong Corazon C. Aquino, ang Lakas-CMD ni Pangulong Fidel V. Ramos, ang Pwersa ng Masang Pilipino ni Pangulong Joseph Estrada, at ang Lakas-Kampi ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo bilang mga aktibong partido pulitikal.
Makaraang matalo sa pagkapangulo ang pambato ng LP na si Mar Roxas ngayong taon at nagtapos ang administrasyon ni Pangulong Benigno S. Aquino III noong Hunyo, kaagad na nahati ang LP sa dalawang malalaking grupo. Ang isa ay sumapi sa partido na kinabibilangan ng nanalong si Pangulong Duterte — ang PDP-Laban. Ang isa naman ay pinanatili ang pagkakakilanlan nito bilang LP ngunit naging pangunahing miyembro ng “super-majority” ni Pangulong Duterte sa Kongreso. Sa anumang layunin, ang dalawang grupo ay parehong bahagi ng bagong administrasyon.
Noong nakaraang linggo, itinalaga si Senator Pangilinan bilang acting LP president at siyang mangunguna sa paghahalal ng mga kasapi ng LP Directorate hanggang sa Marso 31, 2017. Nauunawaan niyang dahil sa mahinang sistema ng partidong nakabatay sa ideyolohiya sa Pilipinas, nawala sa LP ang maraming miyembro nito na nagsilipat sa PDP-Laban. “It is during these challenging times that we can really know those who have strong understanding not only on principles but also on the role of the party that is not in power,” aniya.
Ang tungkulin ng partido na wala sa kapangyarihan — ito ang magiging pangunahing isyu ng LP habang sinisikap nitong muling patibayin ang partido. Mas dapat marahil na tutukan ang ideyolohiya ng LP para sa isang malayang gobyerno, na iba sa mas konsebatibong ideyolohiya ng lumang Nacionalista Party. Ang ideyolohiyang liberal ang nasa sentro ng larangang pulitikal, na dapat na matukoy mula sa sukdulang kaliwa at kanan.
Ang Liberal Party ay itinatag ni Pangulong Manuel A. Roxas, matapos magsimula bilang “Liberal wing” ng Nacionalista Party na pinamunuan ni Pangulong Manuel L. Quezon. Kung maibabalik ni Pangilinan at ng iba pang mga pinuno ng partido ang makasaysayang ideyolohiyang ito ng LP sa puntong matatamo nito ang katapatang gaya ng sa mga lider pulitiko na may kaparehong paninindigan, isa itong malaking hakbangin patungo sa pagkakaroon ng mga tunay na partido pulitikal na kinakailangan sa demokratikong sistema ng ating gobyerno.