Nangako si Donald Trump na magiging Pangulo ng lahat ng Amerikano.
Sa kanyang victory party sa New York City, hiniling ng president-elect sa nasyon na magkaisa at nangakong kakatawanin ang lahat ng mga mamamayan ng Amerika.
Idinagdag niya na “time for America to bind the wounds of division” at “time for us to come together as one.”
Idineklara rin niya na ang kanyang administrasyon ay magiging panahon ng “national growth and renewal.”
Sinabi ni Trump na “America will no longer settle for anything but the best.”
THANK YOU HILLARY
Inihayag ni Trump na tinawagan siya ni Hillary Clinton upang batiin sa kanyang pagkapanalo.
Ayon sa president-elect, “[I] congratulated her and her family on a very, very hard-fought campaign.”
Idinagdag niya na “we owe her a major debt of gratitude” sa kanyang naging serbisyo.
Bago ang final countdown noong Martes, nag-tweet si Clinton para batiin at pasalamatan ang kanyang team bago pa man pumasok ang final count sa botohan sa US.
“This team has so much to be proud of. Whatever happens tonight, thank you for everything,” sulat niya sa @Hillary Clinton.
HUGE SHOCK
Nagulat ang lahat sa hindi inaasahang panalo ni Republican Donald Trump laban kay Democrat Hillary Clinton, na inasahan ng marami na magiging unang babaeng pangulo ng US.
Nagitla at hindi makapaniwala ang mga gobyerno mula Asia hanggang Europe noong Miyerkules sa panalo ni Trump sa US presidential election. Pinuri ng populists ang resulta na tagumpay ng mamamayan laban sa nabigong political establishment.
Sinabi ni German Defence Minister Ursula von der Leyen sa German television noong Miyerkules na ang hindi inaasahang panalo ni Trump ay “huge shock”.
“I think Trump knows that this was not a vote for him but rather against Washington, against the establishment,” aniya.
PANIC IN THE MARKET
Bumagsak ang US dollar at sumadsad ang stocks ng mundo nitong Miyerkules sa pagkakataranta ng investors sa posibilidad ng nakagugulat na panalo ni Trump.
Sa tuwing ilalabas sa mga telebisyon sa US ang lumalaking lamang ni Trump kay Clinton, napapabalikwas ang investors.
“Markets are reacting as though the four horsemen of the apocalypse just rode out of Trump Tower,” sabi ni Sean Callow, forex strategist sa Westpac in Sydney.
LALAYAS NA
Tototohanin ba ng maraming Amerikano ang kanilang biro na lalayas sila sa United States kapag si Trump ang nanalong Pangulo?
Napaulat na nag-crash ang main immigration website ng Canada at tumaas ang traffic sa New Zealand mula sa US nationals habang lumalapit si Trump sa White House nitong Miyerkules. (AP, Reuters at CNN,)