KINUMUSTA namin kay Direk Erik Matti ang long-time project niyang Darna movie na hanggang ngayon ay hindi pa nakukunan gayong last 2015 pa ipinakita ang teaser nito sa mga sinehan.
Inakala ng lahat na ngayong 2016 na mapapanood ang Darna movie na hinuhulaan ng marami na si Angel Locsin pa rin ang magbibida, pero hindi umabot dahil dumaan sa maselang gamutan ang likod ng aktres.
Nagitla si Direk Erik nang tanungin namin kung matutuloy pa rin ba ang Darna.
“Naubo ako, ah. Darna, we’re working on it, pinapaganda namin, para magandang-maganda, ha-ha-ha,” natatawang sagot niya. “We’re still working on pre-producing it, marami kasing kailangang gawin, eh.”
Si Angel pa rin ba ang gaganap na bida?
“I don’t know yet. They’re gonna make an announcement,” safe na sagot ni Direk Erik.
Binanggit namin na ang nai-post sa social media na nagre-rehearsal na si Angel para sa stunts, kaya talagang inaabangan na ang dalaga bilang si Darna.
“Oo nga, grabe, pinuputakti ang Instagram ko. I really hope it’s still Angel that’s gonna end up as Darna. But we still have to make the announcement and we still have to hear from ABS-CBN,” sabi pa ng direktor.
Kailan ang target showing nito?
“Sana soon, there’s a lot of components kasi for the Darna franchise, it’s not like we’re doing the movie and we have the playdate by March, hindi siya ganu’n na klase na movie. Ang dami niyang moving parts, there’s the costume that stuffs to put together, and of course merchandising stuff, there’s also training, there’s also looking at technology para mapagaan ang trabaho namin while shooting it. Marami siyang kailangan tingnan,” paliwanag ng tinaguriang fearless director ng local entertainment business.
Hiniritan namin si Direk Erik kung puwede siyang magbanggit ng maski dalawang artistang kasama sa Darna pero napangiti siya sabay muwestra ng, ‘my lips are sealed’ sabay biro sa amin ng, “sa magkanong halaga, ha-ha-ha! Wala pa kaming nalo-lock (artista), may lalabas na news.”
Samantala, isinumite pala ng Reality Entertainment at Star Cinema ang Darna sa Metro Manila Film Festival pero hindi binanggit kung para sa 2016.
“Yes, we submitted it in MMFF, we don’t know if they gonna like it. But given the new Metro Manila filmfest and the new rule that came out of it, we’re hoping that we have a good chance,” pag-amin ng direktor.
Obviously, hindi pa finished product ang isinumite kundi ‘picture lock’, “But there’s music in it and a sound. Pero may mga changes pa akong gagawin sa sound and music, pero at least meron na, almost complete siya.”
Sabi pa ni Direk Erik, malaking bagay na natanggal na ang finished script at naging finished film na sa bagong ruling ng MMFF.
“I think, malaking bagay na and we should be open for a little bit more leeway, kasi gulat din naman ‘yung ibang producers. Sa akin, okay lang din,” esplika niya. (Reggee Bonoan)