MAY sinaunang kasabihan na sa pagkakaliwat ay, “Mahirap makipagkamay sa taong nakatikom ang palad”.
Ito ang buod ng pagsasalarawan sa nagaganap na “usapang pangkapayapaan” sa pagitan ng Pamahalaan at ng CPP-NPA-NDF.
Paano nga naman makakadaupang-palad ang isang kamaong sukli sa bukas na palad ni Pangulong Rodrigo Duterte? Malinaw pa sa sikat ng araw na si Pangulong Digong ay seryoso sa layuning wakasan ang labanan kontra sa mga komunista. Ito ay upang makamtan ang tunay na dalisay ng kapayapaan na matagal nang ipinagkait sa ating lipunan.
Ang kasalukuyang panguluhan, kabilang si dating Pangulong Ferdinand Marcos, pa lang (aminin na natin) ang nakapagtalaga ng mga “maka-kaliwa” sa Gabinete. Ginawa ni Marcos ito noon upang magkaroon ng ideya kung paano mag-isip ang mga ito.
Sabi nga nila, “Keep your friends close, but keep your enemies closer”. Sabay sa bukas-palad ni Pangulong Duterte ang banta sa mga komunista. “Gusto ba ninyo ng kapayapaan, o ituloy natin ang giyera!”. Mistulang nanahimik na tupa ang mga nakatalaga sa DSWD, NAPC, at DAR.
Habang ang hanay ng ibang sektor ay tuloy sa lansangan ang pagpoprotesta. Ilang sigalot ang nakaamba sa siguradong sagupaan na magaganap sa hinaharap 1) Hihingin ng CPP na pakawalan ang lahat ng bihag na komunista; 2) Hindi nila ikakalong ang kanilang mga armas kahit ano pang mangyari.
Sa ganitong usapan, sa 2019, gusto pa nila tumakbo kay Digong bilang mga Senador! Sa Quezon ang tawag dito, “buslog kausap”. Sa punto ng MNLF, iba naman ang diskarte. Tatlo ang kanilang hihilingin: 1) Pantay na kinatawan sa Bangsamoro Transition Commission na tulad sa MILF; 2) Pangalawang Bangsamoro Federal State na hiwalay sa MILF; 3) Pagkilala ni Digong sa Sabah bilang teritoryo ng Pilipinas alinsunod sa deklarasyon ng Korte Suprema GR 187167, July 2011 ni Justice Antonio Carpio.
Tutol ang MILF (na payaso ng Malaysia) sa MNLF, at mas lalo na ang Malaysia dahil sa Sabah. Sabit ulit ang “usapang pangkapayapaan”. (Erik Espina)