Nabulabog ang 200 establisyemento sa bansa, partikular na sa Maynila, simula nitong Martes hanggang kahapon, matapos makatanggap ng mga bomb threat mula sa iisang e-mail address.
Ayon sa Manila Police District-Explosive and Ordinance Division (MPD-EOD), ang naturang 200 bomb threat ay mula sa isang Alexander Unger na may e-mail address na: [email protected] at ipinadala sa iba’t ibang establisimiyento na pare-pareho ang mensahe.
“Sa second floor ng office ninyo, sa may steel cabinet, may apat na envelope–sized bombs na nakatago. Kahapon namin inilagay, at sasabog ‘yan ngayon (Nov. 8,2016) mamayang exact 3pm. Umalis na kayo at ‘wag na ipaalam sa authority,” bahagi umano ng pagbabanta.
Sa Maynila, pitong tanggapan ang nakatanggap na e-mail bomb threat kamakalawa, at ito ay ang Department of Budget and Management sa Solano Street sa Malacañang Complex, dakong 12:24 ng hapon; Duck Inn Hotel, sa 1207 M.H. Del Pilar St., Ermita, Maynila; Rosas Garden Hotel, sa 1140 MH Del Pilar St., Ermita; Imperial Bay Front Tower, sa 1642 A. Mabini St., Malate; Manila Pavillon Hotel, sa UN Avenue, Ermita, Maynila; Department of Labor and Employment, sa Intramuros, Maynila; at Rajah Tours Philippines, sa 470 T.M. Kalaw St., Ermita, Maynila.
Kaagad namang rumesponde ang mga tauhan ng MPD-EOD sa insidente at sa kabutihang-palad ay pawang negatibo ang mga ito.
Kinumpirma naman ni Police Senior Insp. Arnold Santos, hepe ng MPD-EOD, na bukod sa Maynila, nakatanggap din ng pagbabanta sa Quezon City at Visayas na nanggaling din sa nabanggit na e-mail address.
Aniya, pinaiimbestigahan na nila ang naturang 200 e-mail bomb threat upang matunton ang taong nasa likod nito at maparusahan. (MARY ANN SANTIAGO)