SA kabila ng masidhing adhikain ni Pangulong Rodrigo Duterte na maghari ang katahimikan sa buong kapuluan, marami pa rin ang nagkikibit-balikat. Ibig sabihin, karamihan sa ating mga kababayan ang hindi naniniwala na magkakaisa ang iba’t ibang sektor na hanggang ngayon ay nag-iiringan na kung minsan ay humahantong sa madugong sagupaan.

Ang paninindigan ng ating mga kapatid na tila nag-aangkin ng magkakasalungat na ideolohiya ay nakaangkla sa maliwanag na pagkabigo ng nakalipas na mga administrasyon na paghariin kahit sandali man lamang ang inaasam nating kapayapaan.

Sa administrasyon ni Pangulong Cory Aquino, hindi umusad ang anumang peace talks sa magkakasalungat na sektor ng mga rebelde.

Nilagdaan ang tinaguriang Peace Agreement noong 1996 sa panunungkulan ni Pangulong Fidel Ramos. Subalit hindi rin naramdaman ng taumbayan ang hinahangad na katahimikan na pangungunahan sana ng Moro National Liberation Front (MNLF).

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ang naturang kasunduan ay taliwas sa Bangsamoro Comprehensive Agreement na nilagdaan naman noong 2014 sa pagitan ng administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF). Hindi rin umusad ang naturang peace pact dahil din sa mistulang pagtutol ng kinauukulang sektor ng mga rebelde at ng ilang mambabatas at mamamayan.

Naiiba ang mga estratehiya na isinulong ng Duterte administration. Sa kabila ng pagtutol ng ilang sektor ng sambayanan at ng oposisyon, hinimok niya ang mga lider ng Communist Party of the Philippines at National Democratic Front (CPP-NDF) na lumahok sa peace talk na pangungunahan ng gobyerno.

Sa halos isang iglap, wika nga, nag-usap ang mga kinatawan ng magkabilang panig sa Oslo, Norway; inaasahan na magkakahugis na ang isang peace agreement na susundan ng makasaysayang paglagda.

Kasunod nito, pinaigting din ng Pangulo ang pagpapalawak sa mga miyembro ng Bangsamoro Transition Commission (BTC).

Ito ang babalangkas ng enabling law upang pag-isahin ang mga probisyon ng Comprehensive Agreement of the Bangsamoro (CAB) na pinagtibay noong 2014 at ng 1996 Peace Agreement.

Ang BTC ay bubuuin ng 21 kasapi mula sa dating 15; ang 11 ay magmumula sa MILF na pinamumunuan ni Al Haj Murad at ang 10 ay kakatawanin ng gobyerno, kabilang na ang tatlo mula sa MNLF na pinangungunahan naman marahil ni Nur Misuari.

Nangangahulugan na nasasakop na rin dito ang mga rebeldeng Muslim na kabilang din sa MILF at MNLF.