HABANG pinag-uusapan ang pagkakapatay kay Albuera Mayor Rolando Espinosa sa loob mismo ng sub-provincial jail ng Baybay City, Leyte nitong Sabado ng madaling araw, ay muntik namang makalagpas sa atin ang pagkakapatay, makalipas lamang ang tatlong oras ng araw ding iyon, sa may Jalajala, Rizal, sa limang bagong huling holdaper na umano’y nang-agaw ng baril habang sila’y inaaresto.

Nakadagdag pa sa muntik nang pagkakabaon sa limot ng isa na namang masasabing garapal na “extrajudicial killings” na ito ay ang pagkakapanalo ni Sen. Manny “Pacman” Pacquiao sa laban niya kay Jessie Vargas na sinubaybayan ng buong mundo.

Sinakyan pa nga ni Chief Supt. Oscar Albayalde, National Capital Region Police Office (NCRPO) director, ang pansamantalang “katahimikan” na ito sa buong bansa nang ianunsiyo niyang wala raw kahit isang krimen na nangyari bago at matapos ang laban ni Pacman. Pati nga raw ang daloy ng trapiko sa Maynila ay maluwag, maliban sa may harapan ng University of Sto. Tomas (UST) na medyo mabagal ang galaw dahil sa ipinatutupad na seguridad para sa bar exam.

Si Mayor Espinosa at ang isa pang napatay sa kanilang selda ay may mga baril na ipinutok umano sa mga pulis na nakatakda sanang maghain ng search warrant sa kanila. Ang mga napatay naman sa Jalajala, Rizal ay mga disarmado na, ngunit nang-agaw umano ng baril ang isa sa mga ito kaya niratrat agad ng bala. Walang natamaan ang nang-agaw ng baril dahil hindi raw pumutok.

Ka-Faith Talks

#KaFaithtalks: Puro blessings ang gusto, pero good steward ka ba?

Grabe rin ang script writer nito – ang bagong issue na Glock 9mm pistol ay hindi gumana at nagtangka pa raw mag-reload ng nang-agaw kaya pinaputukan agad siya ng mga pulis. Isa lang pala ang nang-agaw ng baril, eh, bakit pati ‘yung apat na kasama nito ay nirapido rin?

Nakakatakot na ang nagiging asal ng karamihan nating pulis na sa wari ko’y parang kumapit na sa kanilang naturalesa ang mabilis na pagbunot ng baril para pumatay ng mga naarestong suspek na walang kalaban-laban. Madali naman daw kasing mag-isip ng script – ang problema, gasgas na ang mga script nila at ‘di na pinaniniwalaan ng taumbayan.

Mabigat kasi itong guideline ng mga nasa itaas sa mga operatiba sa ibaba— “Pagpapatayin ang mga tulak at adik kapag lumaban” – at dahil lahat gustong makapag-comply, marami tuloy natutumbang suspek na umano’y nanlaban o kaya’y nang-agaw ng baril kahit nasa loob na ng kulungan!

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E)