photo_-clintom-trump-copy

Uukit ng bagong kasaysayan sa United States ang araw na ito sa pagpili ng mga Amerikano ng bagong pangulo.

Ilang oras bago ang November 8 Election Day, hawak ni Democratic candidate Hillary Clinton ang 90 porsiyento ng tsansang talunin si Republican candidate Donald Trump sa karera para sa White House, ayon sa final Reuters/Ipsos States of the Nation project.

Ayon sa survey na inilabas nitong Lunes, nakakalamang ang dating former secretary of state kay Trump ng halos 45 porsiyento laban sa 42 porsiyento sa popular vote, at napipintong mapanalunan ang 303 votes sa Electoral College laban sa 235 ni Trump. Maliwanag na lamang siya 270 na kailangan para manalo.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Nakasalalay ang tsansa ni Trump sa makukuhang boto sa Florida, Michigan, North Carolina at Ohio, na masyadong dikit ang laban noong Linggo, nang magsara ang survey, at sa Pennsylvania, kung saan manipis ang lamang sa kanya ni Clinton sa 3%. Para manalo si Trump, kailangan niyang makuha ang karamihan ng mga estadong ito.

Kapag natalo siya ng dalawa sa tatlong estado ng Florida, Michigan at Pennsylvania ay tiyak na ang panalo ni Clinton.

Ang North Carolina, isa sa mga unang estado na mag-uulat ng resulta sa Martes ng gabi (Miyerkules ng umaga sa Pilipinas), ang maaaring magbigay ng pahiwatig sa magiging resulta ng hallaan.

Kapag nakuha ni Clinton ang estado, nangangahulugan ito na ang African Americans ay bumoto gaya noong 2012, nang talunin ni President Barack Obama si Republican Mitt Romney ng four points sa buong bansa. Nanalo si Romney sa North Carolina ng two points.

LAST MINUTE CAMPAIGN

Sa huling rally ilang oras bago ang botohan, animo’y eksena sa pelikula sa Hollywood ang mga kaganapan sa kampanya ni Trump.

“Today is our Independence Day,” deklara ni Trump sa rally sa Grand, Rapids Michigan Martes ng madaling araw (Martes ng hapon sa Pilipinas). Sinabi niyang, “Today the American working class is going to strike back.”

Binigyang-diin din ni Trump na hindi niya kailangan ang superstars gaya nina Jay Z, Beyonce o Lady Gaga para dumugin ng mga tao ang kanyang kampanya, gaya ng kanyang karibal. “All we need is great ideas to make America great again,” aniya.

Ang huling rally ni Trump ay ginanap sa New Hampshire.

Sa Philadelphia naman huling tinipon ni Clinton ang kanyang lakas.

Sa kabila ng matinding lamig, libu-libong tao ang dumating para dinggin ang emosyonal na apela nina President Barack Obama at First Lady Michelle Obama na ihalal si Clinton.

Nilibot ni Obama ang Michigan, New Hampshire at Pennsylvania sa last minute push para sa pambato ng Democrat. Naging pagkakataon din ito sa first couple para magpasalamat at magpaalam sa nasyon.

“Thank you for welcoming us into your communities, for giving us a chance whether you agreed with our politics or not,” sabi ni Mrs. Obama.

Sinabi rin niya na ang tiyakin ang panalo ni Clinton ay “perhaps the last and most important thing that I can do for my country as first lady.”

Bilang parting gift kay Clinton, ipinasa sa kanya ni Obama ang campaign mantra nito — “Fired up, ready to go”

“It just goes to show you how one voice can change a room,” ani Obama. “And if it can change a nation, it can change the world.” (AP at Reuters)