Pinayagan na ng Sandiganbayan ang mosyon ni dating Senator Ramon “Bong” Revilla Jr., na ma-confine sa St. Luke’s Medical Center (SLMC) sa Taguig City dahil sa mga nakitang sakit nito.
Si Revilla ay nauna nang isinugod sa Philippine National Police (PNP) General Hospital noong Sabado ng umaga dahil sa pagsusuka, matinding sakit ng ulo, pabagu-bagong blood pressure at pamamaga ng kanang kamay.
Inirekomenda ng mga doktor ng nasabing ospital na ilipat ito sa SLMC matapos na magsuka uli ng dalawang beses.
Sa medical abstract na iniharap ng mga abogado ni Revilla sa anti-graft court kalakip ng kanyang mosyon, nakararanas ang dating senador ng “acute migraine headache without aura; De Quervain’s Tenosynovitis of the right wrist; reactive hypertension; at Esophagitis and non-erosive Gastritis.”
Nahaharap si Revilla sa kasong plunder at graft dahil sa umano’y pagbibigay ng pork barrel fund nito sa ‘ghost projects’ ng mga non-government organization (NGO) ni Janet Lim-Napoles. (Rommel P. Tabbad)