NGAYONG nasimulan na ng administrasyong Duterte ang usapang pangkapayapaan sa tatlong pangunahing armadong grupo sa Mindanao, lumilinaw na ang posibilidad ng hinahangad na kapayapaan sa rehiyon.
Inimbitahan ni Pangulong Duterte si Nur Misuari, founding chairman ng Moro National Liberation Front (MNLF) upang makipagpulong sa kanya sa Malacañang nitong Huwebes, Nobyembre 3. Mayroong warrant para sa pagdakip sa kanya kaugnay ng pagsalakay ng kanyang mga tauhan noong 2013 sa Zamboanga City, na mahigit 200 ang napatay. Pinagbigyan ng korte sa Pasig ang mosyon ni Misuari upang suspendihin ang mga paglilitis laban sa kanya, gayundin ang pagpapatupad ng mga warrant of arrest. Bitbit ang kopya ng nasabing atas ng korte, sinundo ni Peace Process Secretary Jesus Dureza si Misuari sa Sulu at sinamahan ito patungong Malacañang.
Ito ang ikalawang beses sa loob ng limang linggo na tinanggap ng Malacañang ang mga pinuno ng mga rebeldeng grupo na matagal nang nakikipaglaban sa gobyerno. Noong Setyembre 26, tinanggap ng Pangulo ang mga kasapi ng National Democratic Front (NDF), kabilang ang mga kalalaya lang na pinuno ng Communist Party of the Philippines (CPP) na sina Benito at Wilma Tiamzon, sa isang hapunan sa Malacañang, bilang paghahanda sa pagbiyahe ng mga ito upang makibahagi sa usapang pangkapayapaan sa CPP-NDF-New People’s Army sa Oslo, Norway.
Nagawa ng ikatlong pangunahing grupo ng mandirigma sa Mindanao, ang Moro Islamic Liberation Force (MILF), na magkaroon ng paunang kasunduan sa nakalipas na administrasyong Aquino — isang kasunduan para sa pagtatatag ng isang rehiyong Bangsamoro. Hindi nagawang aprubahan ng Kongreso ang panukalang Bangsamoro Basic Law bago ito mag-adjourn noong Hunyo ngunit tiniyak ni Pangulong Duerte sa mga pinuno ng MILF na ang hinahangad nilang rehiyong Bangsamoro ay saklaw ng federal na uri ng pamahalaan. Nitong Lunes, itinatag niya ang pinalawak na Bangsamoro Transition Commission—kasama ang mga kasapi ng MILF at MNLF—na lilikha ng bagong batas para sa Bangsamoro.
Mayroong mga usapin na nakahahadlang sa kasunduang pangkapayapaan sa mga grupong ito. Nangako ang mga opisyal ng Zamboanga City na ipupursige ang mga kasong isinampa nila laban kay Misuari kaugnay ng pagkamatay ng daan-daang Zamboangueño sa pagsalakay noong 2013. Mayroon ding mga kasong kinahaharap ang mga mandirigma ng MILF kaugnay naman ng pagpaslang sa 44 na operatiba ng Special Action Force sa trahedya sa Mamasapano noong 2015.
Sa alinmang ilang-dekada nang rebelyon, mayroong mga hakbangin ng karahasan at paglabag sa batas na maaaring isagawa ng mga sangkot. Marami pang dapat maisakatuparan si Pangulong Duterte at ang kanyang grupong pangkapayapaan, sa pangunguna ni Secretary Dureza, bago tuluyang mailatag ang lahat ng detalye sa kasunduang pangkapayapaan.
Ipinakita ng Pangulo ang kahandaan niyang makipag-usap sa lahat ng grupo na matagal nang nakikipaglaban sa gobyerno.
Tiwala tayo na makabubuo rin siya ng isang kasunduang pangkapayapaan na matatanggap ng lahat ng kinauukulan, kabilang ang mga nagdusa sa pagsalakay sa Zamboanga City at sa iba pang operasyon ng MNLF, ng MILF, at ng NPA sa nakalipas na mga dekada.