rosanna-tinnie-at-bim-crame-copy

KUMPIRMADONG ikakasal si Rosanna Roces sa kanyang lesbian partner na si Blessy Arias sa Disyembre 10 sa Alexa Secret Garden, Antipolo City at ang maghahatid sa kanya sa altar ay si Butch Francisco na itinuturing niyang kuya at ninong ng ilang apo niya.

“Hindi na iba sa akin si Butch,” kuwento sa amin ni Osang nang mainterbyu namin sa opening ng Boost Beauty Clinic sa 361 Bisita Street, Binakayan Kawit, Cavite nitong nakaraang Sabado. “Nagulat nga ako, wala na palang Startalk nu’ng nag-guest ako kay Rhea Santos. One year na pala siyang walang trabaho.”

Ang isa naman sa magiging ninang nina Osang at Blessy ay, “Si Ate Guy (Nora Aunor). Naku, nauna ko pang sabihin dito (interview) kaysa puntahan ko siya. Nasabi na rin naman sa kanya, kaya lang ‘yung personal na ako dapat ang magsasabi.”

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Ang tawag daw sa kasal nina Rosanna at Blessy ay, “Holy Union rites, ang magkakasal sa amin si Reverend Ascencio (Ceejay) Agbayani ng LGBT (Lesbian Gays Bisexual and Transgender) church. Sabi niya, may freedom tayo of religion, ’yung ginagawang ‘yun, holy union rites, pero ‘yung papel n’yo na pipirmahan, let’s say mag-abroad ‘yung isa, i-petition ‘yung isa, ino-honor sa ibang bansa. Dito kasi sa atin nasa Supreme Court pa, inilalaban pa.”

Humingi ng permiso sina Blessy at Osang sa nanay niya.

“Sabi nga ni nanay, kung kailan ako tumanda, saka ako nagpakipot, ha-ha-ha. Actually, kay Blessy lang ako nakikinig bukod sa tatay ko nu’ng buhay pa. Isang tingin lang sa akin ni Blessy, tahimik na ako,” kuwento ni Rosanna.

Matino na raw siya ngayon.

“Hindi maligalig ang buhay ko, hindi katulad dati na may meeting (mating) sa hatinggabi, wala na ngayon, puro umaga na at hindi na ako umaalis nang hindi kasama si Blessy.”

Sabi namin, natutuwa kami dahil pagkalipas ng isang dekada at kalahati ay nakikita na naming maayos na siya.

“Oo nga, matino naman na ako, Reggee, noon pa, ayaw mo lang maniwala.”

Pagkatapos ng kasal nina Osang at Blessy ay sasailalim ulit siya sa liposuction at ipatatanggal niya ang silicon na ikinabit sa boobs niya 20 years ago na dapat sana ay noon pa niya ipinatanggal.

“More than anything, kailangang matanggal na itong mammoplasty, ‘yung silicon kasi talagang pinapahirapan na ako, nagsiksik na lahat ng taba, ‘tapos twenty years na rin which is dapat, 10 years papalitan na.

“So ‘yung 90 cc na pagkaliit-liit lang dati, eh, lumaki na nang husto at nagko-cause na ng pain sa likod ko. Hindi kagandahan talaga ang magpalagay ng silicon. Kaya ‘yung mga nagbabalak magpalagay, i-enjoy n’yo na lang ‘yung pagka-natural n’yo. Hindi talaga healthy.

“Unang-una, hinihingal ako lagi. Ngayong tumigil na akong manigarilyo, dapat gumaan ang katawan ko, pero hindi pa rin, dumadagdag ako ng timbang, sa kanya (boobs) napupunta lahat. Kaya kahit hindi ganu’n kalaki ang katawan ko, akala ng lahat, ang laki-laki ko,” paliwanag ni Osang.

“Si Doc Edmund Syjueco ang magtatanggal ng silicon ng Boost Beauty City Aesthetic Clinic na pag-aari ng magkapatid na Tinnie at Bim Crame. Nu’ng kinontak nga nila ako, go ako kaagad kasi libre, eh.”

Kaya isa si Osang, kasama si Margo Midwinter na dating FHM model sa endorsers ng clinic at guests naman ang PBB 737 ex-housemates nang magbukas ito noong Sabado.

Nagkaayos na ba sila ni Dra. Vicki Belo na nakaalitan niya noon?

“Hindi kami nagkikita, eh. Pero sa akin, okay na ‘yun, tapos na,” kaswal na sagot ng aktres.

Open book na nakaalitan din ni Osang ang dati niyang talent manager na si Lolit Solis, kailan sila magkakaayos o kailan niya ito pupuntahan?

“Actually, nagwo-worry nga ako sa kanya, kasi nakita ko ‘yung picture niya kay Bong Lazo, sabi ko, ‘Uy, ang payat ni Manay, bakit ganyan?’ Hindi ko sinabing nagda-drugs siya, pero kilala mo naman si Manay (mataba rati),” kuwento ng aktres.

Hirit namin, baka nagda-diet kaya nagbawas ng timbang.

“Alam mong meron na siyang sakit inside, hindi ko alam, nakaka-worry lang kasi hindi ako sanay na makita siya na ganu’n,” katwiran ni Osang.

Hindi naman itinanggi ni Osang na marami siyang nakasamaan ng loob noon.

“Tigilan na ‘yan, move-on na tayo. Walang mangyayari. Hindi ko sinasabing makipagbati, basta huwag na lang mag-away, wala namang kapupuntahan. Basta ako babatiin kita, kung ayaw mo ako batiin, bahala ka, kung affected ka sa presence ko, bahala ka, basta ako hindi.”

Naitanong din ang tungkol sa isyu ng pagdadala niya ng babae sa loob ng Bilibid at kung kinabahan ba ang dating sexy star.

“Hindi, natatawa nga kami kasi ang totoo no’n, may pipirmahan kang papel na may nakalagay na ‘relationship to the inmates,’ eh, wala naman talaga, so nakablangko lang ‘yun.

“Ang gagawin ng mga pulis, ‘lalagay nila, ‘common-law wife. At saka twice lang naman nangyaring nagdala ako ng babae sa loob. The rest, kapag araw ng June 12, kami nina April Boy (Regino), may Araw ng Kalayaan kasi nasa kulungan sila, so ‘yun ang mga legal na may presentation talaga,” kuwento ng aktres.

At tungkol sa isyung human trafficking dahil nagdala siya ng babae?

“Wala namang nag-iisyu. Actually, hindi naman basta makakapasok. At saka hindi naman tungkol sa akin ‘yung hearing, kay (Sen.) Leila de Lima ‘yun,” sabi paliwanag ni Osang.

“Ang importante, hindi ako naiiwan sa kulungan para mag-overnight, at saka mainam na rin na sinabi kong babae, kasi baka isipin nila drugs, eh. Hindi biro ang drugs. ‘Pag isinawsaw mo ang daliri ng paa mo diyan, damay na ang pamilya mo diyan. Mahirap na kalakaran ‘yan, hindi biro.”

Sa madaling salita, hindi nasubukan ni Osang ang shabu?

“Hindi, more on pampatulog ang drugs ko. Anything other than sleeping pills, hindi kinakaya ng powers ko,” katwiran pa. (REGGEE BONOAN)