CAMP GENERAL ALEJO SANTOS, Bulacan – Ikinasa ng mga awtoridad sa Bulacan ang masusing imbestigasyon kasunod ng pagkakaaresto sa isang lalaking Bulgarian dahil sa pagwi-withdraw sa mga nakaw na ATM card sa Barangay Sta. Cruz, Guiguinto, nitong Linggo ng madaling araw.
Kinilala ni Senior Supt. Romeo M. Caramat Jr., acting Bulacan Police Provincial Office director, ang naaresto na si Orlin Grozdanov Stoev, 41, Bulgarian, binata, kasalukuyang nakatuloy sa isang hotel sa Maynila, at hindi pa natutukoy ang Pilipinong kasabwat.
Iniulat ni Guiguinto Police chief Supt. Julius Caesar Domingo na inalerto sila ni John Andrew Buan, security guard ng isang bangko sa lugar, tungkol sa kaduda-duda at magkasunod na pagwi-withdraw ni Stoev sa ATM sa lugar.
Inaresto ang dayuhan at nasamsaman ng 20 iba’t ibang foreign ATM card at tatlong transaction receipt na nagkakahalaga ng P40,000. (Freddie C. Velez)