LAS VEGAS – Wala pang opisyal na nasisimulan sa negosasyon, ngunit sa takbo ng pagkakataon, sinabi ni Top Rank boss Bob Arum na 75% ang nakikita niyang tsansa para matuloy ang nais na rematch sa pagitan nina undefeated world champion Floyd Mayweather, Jr. at WBO welterweight champion Manny Pacquiao.
Sa panayam ng TMZ Sports, sinabi ni Arum na maayos ang relasyon ng magkabilang kampo, at ang personal na panonood ni Mayweather sa laban ay isang senyales na may interesado ang tinaguriang ‘The Money’ para sa isa pang blockbuster match.
"Floyd called us and asked for tickets," pahayag ni Arum. "It's a great sign. I'd love for the fight to happen. I'd make it 75% that it happens."
Iginiit ni Arum na naniniwala siyang hindi pa lubusan ang desisyon ni Mayweather na magretiro sa boxing. Matatandaang nagretiro na rin ang 38-anyos na American fighter may ilang taon na ang nakalilipas bago nagbalik para muling dominahin ang kanyang dibisyon.
"Based on my experience, I feel like [Floyd's] getting the itch to come back," pahayag ni Arum.
Bukas din si Pacquiao sa rematch at nabanggit niyang kung may pagkakataon isa ito sa huling dalawang laban na nais niyang maganap bago matapos ang kontrata sa Top Rank sa susunod na taon.