aura-azarcon-1-copy-copy

IPINAKILALA na ni Kuya ang tatlong pinakabagong makakasama niya sa kanyang bahay at ng naunang batch ng housemates sa Pinoy Big Brother Lucky Season 7.

Simula noong Huwebes (November 3) hanggang sa pormal nilang pagpasok sa PBB house noong Sabado, isa-isang pinakilala ang Med of Honor ng Las Piñas na si Aura Azarcon, ang Cool-it Vlogger ng Pampanga na si Wil Dasovich, at ang Transgender Man of the House ng Cavite na si Jesi Corcuera.

Beauty and brains si Aura na isang medical intern. Dahil sa kanyang background sa paglilingkod bilang student council president at medical student, naniniwala siya na kaya niyang makihalubilo sa iba’t ibang uri ng tao. Bago pa man siya kumuha ng medical board exam sa susunod na taon, gusto niyang masubukan ang once-in-a-lifetime experience sa loob ng pinakasikat na bahay sa bansa at patunayang may quirky side din ang mga doktor.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Katunayan naman ng kasabihang “try and try until you succeed” ang video blogger na si Wil na matagal nangarap na maging housemate, at tatlong beses siyang nag-audition bago makapasok sa Lucky Season 7. Filipino-American na pumunta sa Pilipinas para magbakasyon, nagdesisyon si Wil na manatili sa bansa para i-pursue ang kanyang modeling career at para matutuhan ang kulturang Pinoy na hindi niya nakalakihan. At ngayon, isa na siyang certified Internet sensation dahil sa pagiging viral ng mga video niya na bida ang kuwelang pagsasalita niya ng Tagalog at gay lingo.

Samantala, hindi naman unang pagkakataon na sumali si Jesi sa isang TV competition. Naging bahagi siya ng talent search ng isang TV network nang mag-audition siya noong babae pa siya. Produkto man ng broken family, buo naman ang pagkatao ni Jesi sa malaya niyang pagpapahayag ng tunay niyang pagkatao – bilang transgender man.

Sa pagpasok nila sa Bahay, kasama nilang ilalahad ang kanilang totoong sarili at pagtatagumpayan ang mga paghamon ni Kuya kasama ang iba pang housemates na Incredible Hunk ng Nueva Ecija na si Tanner Mata, Bibang Bentang-guena ng Batangas na si Baninay Bautista, Rampa Raketera ng Bulacan na si Ali Forbes, Longing Son ng Taguig na si Luis Hontiveros, Lucky Bet na Miss ng Tacloban na si Thuy Nguyen, Dazzling Daughter ng Bulacan na si Cora Waddell at Overseas Filipino Warrior ng Tondo na si Jerome Alecre.

Samantala, bagamat nadagdagan ang mga kasama ni Kuya sa kanyang bahay, nabawasan naman ang mga ito sa pagkaka-evict ng teen housemate na si Christian, ang tinaguriang Courtside Kusinero ng Zamboanga. Ang natitirang teens ay may outside task na may kinalaman sa regular housemates. Magtagumpay kaya sila?

Ang Pinoy Big Brother ay tinaguriang ‘teleserye ng totoong buhay’ dahil sinasalamin nito ang bawat Pilipino sa pamamagitan ng makukulay na kuwento ng iba’t ibang housemates. Para subukin ang kanilang pagpapakatotoo, nagbibigay si Kuya ng iba’t ibang tasks o hamon na tiyak magpapatatag sa kanila bilang indibidwal sa bandang huli at kapupulutan naman ng aral at inspirasyon ng mga manonood.

Napapanood ang PBB simula Lunes hanggang Biyernes pagkatapos ng Till I Met You sa ABS-CBN o sa ABS-CBN HD (SkyCable ch 167) at tuwing 5 PM, at live online weekdays, 7PM. Mapapanood din ang past episodes nito sa iWanTV.com o sa skyondemand.com.ph para sa Sky subscribers.