SEOUL – Kapampangan laban sa Ilocano. Visayan kontra Fil-Am. Metro Manilan vs Mindanaoan.

Pitong taon mula nang ilunsad ng Philippine Basketball Association, sa pangangasiwa noon ni commissioner Sonny Barrios, tunay na kinalugdan ang bakbakan sa All-Star Weekend tampok ang pinakamahuhusay na player ng rehiyon.

Para kay league chairman Mikee Romero, team owner ng Globalport Batang Pier, napapanahon na ibalik ang format at buhayin ang regionalism sa puso ng basketball fan.

“It has been done before; I’m sure we can do it again although with a different format,” sambit ni Romero matapos ang PBA Governors Planning session dito.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“We’d like to see fans cheer for their provincemates. Talagang labanan,” aniya.

Ayon kay media bureau chief Willie Marcial, ang naturang plano ay ipinahatid na kay PBA commissioner Chito Narvasa at sa team governors.

“They’ll be talking more about it when we return to Manila,” pahayag ni Marcial.

Aniya, madaling isagawa ang plano, higit at nagawa na ito sa nakalipas na taon.

Isinagawa ang duwelo ng FIBA Asia-bound national team, sa pangangasiwa ni coach Yeng Guiao at suportado ni governor JB Baylon ng Powerade company, gayundin ang North and South All-Star selection, sa Victorias Negros Occidental, Panabo, Davao del Norte, at Smart-Araneta Coliseum noong 2009.

Pinulbos ng national team ang north, 98-80, sa Victoria City Sports and Recreational Arena noong Abril 22 bago winalis ang South, 103-99, sa Panabo City Tourism, Cultural and Sports Center.

Nakatakda ang 2017 PBA All-Star Week sa Abril.

Sa format na nais ni Romero, higit na bibigyan ng pansin ang mga players na pagsasamahin sa koponan kung saan ang kanilang lalawigan. Target din isama ang Fil-foreign selection.

“This way, fans will be truly rooting for their home team,” pahayag ni Romero.

Kabilang sa dumalo sa pulong sina Ramoncito Fernandez ng NLEX, Dickie Bachmann ng Alaska, Dioceldo at Silliman Sy ng Blackwater, Tom Alvarez ng Mahindra, Atty. Mert Mondragon ng Rain or Shine, Atty. Raymond Zorrilla ng Phoenix, Rene Pardo ng Star, Erick Arejola ng Globalport, Patrick Gregorio ng TNT Katropa, Ryan Gregorio ng Meralco, Alfrancis Chua ng Barangay Ginebra San Miguel at dating chairman Robert Non ng San Miguel Beer. (TITO S. TALAO)