Kapag hindi nabigyan ng sapat na seguridad, delikado ring mapaslang si Kerwin Espinosa, anak ng napatay na si Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa, sa loob mismo ng bilangguan, kamakalawa.
Si Kerwin, umano’y pangunahing drug lord sa Eastern Visayas, ay pwede pa namang gawing asset ng gobyerno, tulad ng kanyang yumaong ama, laban sa mga pulitikong sangkot sa illegal drug trade.
“We know that the safety of Kerwin is also, will also be jeopardized if ever na, if ever na hindi po na-handle nang husto ‘yung kanyang security,” ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar.
Si Kerwin ay nakadetine pa sa United Arab Emirates matapos masakote roon.
“We also know that si Kerwin being the son of his father and having, I assume that he has information that is also vital for the government’s investigation sa drug ring dito sa bansa natin, lalung-lalo na ‘yung narco-politics,” ayon pa kay Andanar sa government radio.
Kaugnay nito, sinabi ni Andanar na malaking kawalan sa gobyerno ang pagkamatay ng alkalde dahil asset siya sa pag-iimbestiga ng pamahalaan sa droga.
Sinabi ni Andanar na ikinalungkot niya ang pagpaslang kay Espinosa, “kasi nga malaki sana ang maitutulong ni Mayor Espinosa sa imbestigasyon ng ating gobyerno para ma-pin down kung sinu-sino ‘yung mga involved sa illegal drugs lalong-lalo na ‘yung mga taong gobyerno na diumano’y may kinalaman sa paglago ng shabu sa bansa natin,” dagdag pa nito. (genalyn d. kabiling)