Ipinadama ni George Luis Oconer ang matinding pagnanais na mapasabak sa main race nang pamunuan ang 91 rider na sumabak sa unang qualifying race ng LBC Ronda Pilipinas 2017 edition kahapon sa Forest View Park sa Subic Bay Metropolitan Authority sa Zambales.

Mag-isang tinawid ng 24-anyos na si Oconer, bitbit ang koponan ng Scratch-It Go for Gold Team, ang nakahahapong akyatin na ruta sa distansiyang 101 kilometro para sa tyempong tatlong oras, 32 minuto at 49.984 segundo.

“Assured na po ako ng slot sa main race pero sinubukan ko pa rin kung hanggang saan na ang kaya ko,” sabi ng dating miyembro ng pambansang koponan.

“Gusto ko po kasi talaga na maging champion dahil ilang beses na ako lumaban pero lagi akong nasusulot,” aniya.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Sa nakalipas na 2015 edition, pumuwesto sa ikalawa si Oconer matapos magwagi ng isang stage, habang ikatlo siya noong 20014 at ikaapat may limang taon na ang nakalilipas.

Unang nagtangka sa solo break-away ang 2016 Visayas at Mindanao leg champion na si Jan Paul Morales, subalit hinabol ito ng lima kataong ikalawang grupo na sina Oconer, Ronald Lomotos, Boots Ryan Cayubit, Rudy Roque at ang baguhang si Jonel Carcuevas pag-ahon sa turn-around sa Bagac.

Gayunman, unti-unting ginamit ni Oconer ang kanyang pinaghahandaan na tatag sa akyatin upang iwanan ang grupo tungo na sa pagwawagi sa isang araw na karera na suportado ng LBC. (Angie Oredo)